Naglagay na ng white ribbon ang tauhan ng Zambales PNP sa kanilang bahay bilang tanda na ini–waived ang relief goods na pinamamahagi ng pamaphalaan. Kuha ni Johnny R. Reblando
IBA, Zambales – Naglitawan ang mga white ribbon sa mga gate o pintuan ng mga bahay ng mga tauhan ng Zambales Police Provincial Office bilang palatandaan na kanilang ini-waive ang mga relief goods na laan sa kanila upang maipamigay na lamang sa iba.
Ayon kay Zambales provincial police director Col. Ponce Rogelio Peñones, Jr., ang paglagay ng white ribbon ay tanda rin ng pagkabusilak ng pakikisa ng mga pulis sa sambayanan sa hagkis ng Covid-19.
Sinabi ni Peñones na yung relief goods na dapat matanggap ng pulis mula man sa pamahalaang nasyunal hanggang sa mga barangay ay minabuti ng mga ito na ipamigay na lamang sa mga kapus–palad athigit na nangangailangan ng tulong ngayong panahon ng enhanced community quarantine dahil sa Covid-19.
Kaugnay nito, pinayuhan din ni Col. Peñones ang mga residente na manatili na lamang sa loob ng bahay at sundin ang lahat ng alituntunin na ipinalalabas ng Department of Health at panatilihing ipatupad ang social distancing habang nasa ilalim ng ECQ ang buong Luzon.
Ang Zambales ay isinailalim na sa total lockdown matapos maitala ang tatlong katao na nagpositibo sa Covid-19 at isa na dito ang nasawi.