ITONG agawan sa pagiging Speaker
sa Congress ng ating butihing Congressmen,
na parehong Alan ang kanilang nickname;
kung saan itong kay Velasco double ‘L’
pero ang kay Cayetano ay single ‘L’;
Sila itong ating pag-usapan muna
hinggil sa ‘term-sharing’ n’yan na ikinasa
ng ating Pangulo para sa dalawa
na mga magiting nating Kongresista.
Kung saan base sa napagkasunduan,
si Cayetano ang umang isasalang
bilang Speaker at saka pagkaraan
ng takdang taning ay si Velasco naman.
Pero ano’t itong Peter napasarap
yata sa pagiging Speaker, naghangad
na mapahaba ang terminong di sukat
angkinin nito na kay Velasco dapat.
At tila iba na rin ‘lately’ ang bersyon
nitong ‘term-sharing’ na nakabimbin ngayon,
sanhi marahil ng mas marami itong
kay Cayetano ang higit ang koneksyon.
Kung anong mayrun sa likod ng pagiging
Speaker nila ay di na bago sa atin;
Isa r’yan ang butihing kabalen natin,
na dating Pangulo – itong nag-‘enjoy’ rin.
At kung saan tila estilong ‘kudeta’
itong pagka-puesto riyan sa Kamara
ni GMA pagkat may nakaupo na
bilang Speaker nang mapunta sa kanya?
May mina kaya ng ginto sa nasabing
posisyon kung kaya ito ay parating
ninanais masungkit ng iba nating
Kinatawan kahit man lang sa ‘term-sharing’?
At bagaman kahit napagkasunduan
na ‘share-share’ sa ‘speakership’ na naturan,
ang iba, tulad halimbawa ni Alan,
nang maluklok siya ayaw nang bumitaw?
At kung saan para i- ‘delay’ kumbaga
ang pagbaba nito sa puesto, tama ba
na pati ang ‘hearing’ diyan sa Kamara
‘Re next year budget’ ay ipagpaliban niya?
Iwas-pusoy si Congressman Cayetano
sa puntong ito na anhin na lang nito
mapa-haba niya ang kanyang termino
bilang Speaker o lider sa Kongreso.
At ito ang pihong nagtulak kay Digong
upang ipag-utos buksan ang nahintong
pagpasa sa badyet na ‘still pending on
sa Kamara, na dapat ay tuloy-tuloy.
Upang itong ‘next year budget’ na kailangang
maipasa na ay sa Senado na yan
maisumite para sa pinaka-pinal
na ‘attestation’ o bago aprubaan;
Partikular na ng Pangulo ang badyet
para sa ‘year 2021’ na higit
mas malaki tiyak kaysa ‘last year budget,
ang inihain ng Speaker sa Congress.
Por delikadesa, itong si Congressman
Alan Cayetano ay kinakailangang
magkusang kay Allan Velasco ibigay
itong ‘term-sharing’ na napagkasunduan!