Water level para tumaas
    2 Ondoy kailangan ng Angat Dam

    458
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS— Umaasa ang National Power Corporation (Napocor) sa dalawang bagyong may ulan na singlakas ng Ondoy upang muling umangat ang water elevation sa Angat Dam.

    Ito ay matapos ipahayag ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA) noong Martes na may namataang low pressure area at posibleng pumasok na ang tagulan sa Mayo 21.

    Kaugnay nito, lalo pang sumisid sa 179.01 meters above sea level (masl) ang lebel sa dam kahapon, Mayo 15, matapos itong sumayad sa kritikal na 180 masl noong Linggo ng hapon. Ayon kay Inhinyero Rodolfo German, general manager ng Angat River Hydroelectric Power Plant na nasa ilalim ng Napocor, umaasa sila na kung tatama sa dam ang dalawang bagyo na may singdaming ulan na hatid ng Ondoy, biglang aangat ang lebel ng tubig doon.

    Batay sa mga tala, ang Ondoy ay naghatid ng 425 mm ng ulan sa loob ng 24 oras noong 2009, ngunit ang 341 mm sa nasabing ulan ay bumuhos sa loob lamang ng anim na oras. Ang nasabing record rainfall ay nabura ng ulan na hatid ng hanging habagat noong Agosto 2012 nang magbuhos ito ng ulan na umabot sa 472 mm sa loob lamang ng 22 oras.

    Ayon kay German hindi sila palagiang nananalangin para sa malakas na bagyo, ngunit kailangan ito sa pagkakataong ito na mas mababa na sa kritikal na lebel ang tubig sa dam. Para naman kay Inhinyero Romualdo Beltran ng Flood Forecasting and Warning Division ng Napocor, isa hanggang tatlong bagyo ay sapat upang muling umangat ang tubig sa dam.

    Ngunit binigyang diin niya na dapat ay dalang malakas na ulan ang bagyo. Inayunan din ito ni Gladys Cruz-Sta. Rita, pangulo Napocor, na nagsabing, “it’s not the number of typhoons, but the volume and thickness of rain.” Iginiit pa niya na “one is OK basta maraming dalang ulan, but usually one to three.”

    Una rito, sinabi ni Sta Rita na hindi pa sila nakakatanggap ng tugon mula kay Cardinal Luis Tagle para sa kahilingan sa panalanging oratio imperata. Gayunpaman, ilang simbahan na sa Bulacan ang nagsagawa ng panalanging oratio imperata noong Linggo, Mayo 11.

    Hinggil naman sa cloudseeding operation, inilahad ni Sta. Rita na ang eroplano ay lilipad mula sa Nueva Ecija at hindi sa Plaridel Airport sa Bulacan. Ito ay dahil mas malaki ang gagamiting eroplano at nangangailangan ng mas mahabang runway.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here