WARDEN SINIBAK
    Kulungan ginawang bangko, bentahan ng shabu

    368
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Sinibak ng bagong gobernador ng Bulacan ang warden ng provincial jail matapos gawin itongyon ng mga bilanggo na bentahan ng shabu at bangko ng malaking halaga ng salapi na hindi maipaliwanag kung saan nagmula.

    Ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado, hindi na niya kailangan ng rekomendasyon para sibakin si Adelio Asuncio dahil napapasa-ilalim sa gobernador ang tanggapan ng provincial jail warden.

    Si Asuncion ay itinalagang warden ng provincial jail noong 2005 matapos ang isang riot doon na ikinamatay ng isang preso na nag-ugat sa tinaguriang “Happy Hour” kung saan ang mga bilanggo ay hinayaang uminom ng alak.

    Ang pagsibak kay Asuncion ay nag-ugat sa pagkadiskubre noong Biyernes sa loob ng provincial jail ng 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.6-milyon, bukod pa sa halagang umaabot sa P398,000.

    Ang nasabing shabu ay nakumpiska ng pulisya sa selda ni Cai Qun Zhen, isang Chinese national na kilala sa pangalang James na naaresto noong nakaraang taon dahil sa pagmamantine ng isang laboratoryo ng shabu sa lungsod ng Meycauayan.

    Ang salapi namang nagkakahalaga ng P240,000 ay nakumpiska ng mga operatiba sa selda ni Delfin De Guzman, alias Ka Baste, isang lider ng New Peoples Army sa Bulacan na inaresto sa salang pamamaslang noong nakaraang taon.

    Ang iba pang salapi na nagkakahalaga ng aabot sa P158,000 ay nakumpiska sa selda ng iba pang bilanggo, kasama ang DVD player, mga patalim, at cellphone.

    Ayon kay Senior Supt. Fernando Villanueva, OIC director ng Bulacan police, ang shabu ay naipasok ng kaanak ni Zhen sa provincial jail sa pamamagitan ng pagsisingit nito sa mga lalagyan ng gatas.

    Sinabi pa niya na inamin ni Zhen na ang shabu ay sa labas ng jail ibinebenta.

    Hinggil naman sa salapi na nakumpiska sa selda ni De Guzman, idinahilan ng dati umanong NPA leader na iyon ay pambayad niya bilang piyansa.

    Ngunit ayon sa mga imbestigador, bukod sa nasabing salapi ay nakakumpiska rin sila ng listahan ng mga pangalan ng pulitiko na may kaukulang halagang nakatala sa pangalan nito.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here