WALANG RICE SHORTAGE
    Presyo ng bigas sa Bulacan magtataas

    407
    0
    SHARE
    BOCAUE, Bulacan—Magtataas ang presyo ng bigas sa lalawigan ng Bulacan sa mga susunod na araw ngunit ayon sa National Food Authority (NFA) hindi naman magkakaroon ng rice crisis o shortage sa bigas.

    Ito ay dahil sa nagsimulang magtaas ng presyo ng bigas sa Intercity sa bayang ito na kilalang rice trading center ng bansa.

    Ayon kay Eloisa Santos, economist sa NFA Bulacan, sa ngayon ay hindi pa naman nagbabago ang presyo ng bigas sa merkado dahil sa ang mga itinitinda pa dito ay mga old stocks.

    Ngunit aniya, posibleng umangat ang presyo nito ng hanggang sampung porsiyento dahil sa pagtataas ng presyo ng bigas sa Intercity.

    Gayunpaman, sinabi ni Santos na bagamat magtataas ang presyo ng bigas ay hindi naman magkakaroon ng rice crisis sapagkat paparating na ang panahon ng anihan sa buwan ng Marso.

    Ayon naman sa Intercity Rice Millers Association (IRMA), bahagya silang nagtaas ng presyo ng bigas dahil sa tumaas naman ang presyo ng palay nitong buwan ng Disyembre.

    Sinabi ni Victor Del Rosario ng IRMA na dati ay P16.50 lamang ang presyo ng palay ngunit tumaas ito ng mula P17.00 hanggang P18.00 kada kilo.

    Ayon naman kay Malene Sangguyo, secretary ng Gold Rush Rice Millers, naapektuhan ng bagyong Ondoy at Pepeng ang mga palay kaya ito ay nagtaas.

    Ngunit sinuguro ng IRMA na hindi naman magtatagal ang pagtaas ng presyo ng bigas dahil sa paparating na anihan.

    Bukod dito, ayon naman sa NFA ay may imbak silang 1.2 million bags of rice sa kanilang bodega na magagamit pa hanggang sumapit ang panahon ng anihan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here