ILANG MAYO UNO na ang nakaraan
at/o ‘Labor Day’ na ipinagdiriwang
nitong ating sektor ng manggagawa riyan
sa tuwing sasapit ang petsang naturan
Pero maliban sa mga maiinit
at mararahas na pagkilos ng pulis
para mapigilan ang mga ‘rallyists’
upang sa ‘restricted area’ makalapit
At maidulog sa kinauukulan
ang di mabigyan ng pansin noon pa man,
tulad ng dati ay humantong na naman
itong ‘Labor Day’ sa matinding tulakan
At balyahan nitong magkabilang panig
upang itong isa’t-isa ang manaig
sa oras na iyon, at kung saan muntik
nang magpang-abot sa di kanaisnais
Na pangyayari ang mga otoridad
at raliyista r’yan na ang tanging hangad
nitong huli ay ang mabigyan ng lunas
ang kahilingan n’yan sa nakatataas
(Partikular na sa Pangulo ng bansa
na siyang higit na dapat umunawa
sa kalagayan ng mga manggagawa
laban sa di patas na trato ng kapwa)
Kung kaya nga’t halos walang pinagbago
ang nakalipas na Mayo aprimero
kumpara sa iba pang laging magulo,
na balewala lang yata sa gobyerno
Ang hinaing nitong sektor ng paggawa
laban sa pasahod na lubhang mababa
at ni ‘security of tenure’ ay wala
ang nakararaming mga manggagawa
Dala na rin nitong mas tinititigan
ng nasa gobyerno ang namumuhunan
kaysa ‘labor sector’ na di na nabigyan
ng pansin at wastong mga panuntunan
Hinggil sa marapat na tanggapin nila
bilang sahod at/o kaukulang upa
ng ipinagsilbi sa kapitalista,
(na sagad ang pagka-tuso nitong iba)
At pagka-inutil ng pamahalaan
sa pag-akda r’yan ng batas na kailangan
para sa ‘employer’ at namamasukan
na marapat sundin nitong sino pa man
Kabilang na rito ang tamang pasahod,
na siyang pangunahing marapat masunod,
nang sa gayon maging mapanatag lubos
ang alin mang panig sa kanyang pagkilos
Dahilan na rin sa kapagka’ masaya
ang ‘labor sector’ sa gampanin n’yan tuwina,
pati produksyon ay natural lamang na
progresibo lagi – at kaaya-aya
Ang samahan nitong magkabilang panig,
kabilang na riyan ang mga magbubukid,
na inilarawan sa gintong panitik
ng namayapang Ka Amado Hernandez:
“Bisig ng nagsaka’y siyang walang palay;
Nagtayo ng templo’y siyang walang bahay;
Dumungkal ng mina ng bakal
at ginto ay baon sa utang;
Lingkod sa pabrika ng damit
ay hubad ang mahal sa buhay!”
O sadyang likas na sa kapitalismo
at pagiging manggagawa ang ganito;
na kung saan yan ay di na magbabago
kahit sino pa ang maupong Pangulo?