SA ISANG rekoleksyon minsan binasa ko ang kwento ng pulubing si Lazaro sa ating ebanghelyo at ang tanong ko ay ganito: sa palagay ninyo ano ang ikinamatay ng pulubing si Lazaro? May nagsabi: gutom po. May nagsabing: sakit po. Sabi ko: “Anong sakit?” Infection daw dahil maraming sugat sa katawan. May nagsabi rin na baka daw “rabies,” dahil hinihimod daw ng mga aso ang kanyang mga sugat. Ang gagaling nilang mag-isip.
Sabi ko, oo, pwedeng gutom, pwedeng sakit, pero ayon sa mga pag-aaral, alam ba ninyo kung ano ang pinaka-malaganap na dahilan ng pagkamatay ng marami? Kawalan ng pakialam. Hindi naman kawalan ng pagkain ang ikinamatay ni Lazaro sa kwento. Maraming pagkain—pero lahat nasa mesa ng mayaman. Abot-kamay lang naman ang layo ni Lazaro—pero kahit daw mumong nahuhulog mula sa mesa, hindi nito maabot. Nauunahan pa siya ng mga aso.
Parang ganyan din sa mga siyudad—di ba nasa mga gilid-gilid lang ng Metro Manila ang nakararaming mga Lazaro? Hindi naman sila namamalimos. Kayod-kalabaw nga sila sa trabaho pero dahil kakarampot lang ang sweldo, hindi maka-afford ng disenteng pabahay, hindi mapakain ng sapat at mapaaral ang mga anak, hindi kayang ipaospital kapag nagkasakit—tulad ng leptospirosis kapag nag-ooverflow na ang mga estero at binabaha na ang kanilang mga kabahayan dahil sa palpak o multong flood control. Sila ang nakararami.
Sa may di kalayuan—nandiyan lang ang mga tipong Forbes Park at Alabang at iba pang mga exclusive subdivisions ng mga mayayaman—mala-palasyong bahay na matataas ang bakod, may CCTV pa at mga security guard. Malalaki ang garahe—hindi tatlo o apat lang ang sasakyan kundi tatlumpu o apatnapu, mga luxury cars pa. Minsan gagawin pa silang huwaran ng pag-asenso sa buhay, dahil daw “madiskarte.” Yung tipong bibili ng sasakyang Rolls Royce dahil may libreng payong. Yung tipong kakain sa mamahaling restoran na ang bill ay mahigit 700K. Yung tipong reregaluhan ang asawang celebrity ng singsing na nagkakahalagang 50 million pesos. Yung tipong isang relo ay milyon ang halaga. Ano ang mensahe ng ganyang klaseng pamumuhay sa lipunang katulad ng Pilipinas kung saan ang majority ay isang-kahig isang tuka? “WALA AKONG PAKIALAM! MAGDUSA KAYO, BASTA AKO MAG-EENJOY.”
At ang mga Lazaro sa paligid, kapag natuksong mag-shoplift ng isang latang corned beef para pamatid-gutom, kapag nahuli, kulong kaagad! At kapag ayaw nang maabala ng may-ari ng tindahan na magsampa ng kaso, imbentuhan pa ng pulis ng kaso—illegal gambling—cara y cruz: PD 1602. Katawa-tawang batas dahil legal na legal na ngayon ang magsugal online, di na kailangan magtungo sa casino. Ang bawat cellphone pwedeng maging casino; pwede nang magsugal ang sinuman—bata o matanda, 24/7; tapos ikukulong ang nagka-cara y cruz? Dahil hindi nagbayad ng buwis sa PAGCOR? Ang dukha walang kalaban-laban sa batas. Pero ang gumagawa ng mga budget insertions sa National Budget, ang mga pulitiko, kontratista at mga partners in crime sa mga ahensyang gubyerno na nagnanakaw ng bilyon-bilyon sa kabang-yaman hindi mapakulong; kayang-kaya kasi nilang kumuha ng abugado pag nakasuhan.
May nabasa akong isang research—sino daw ba ang pinakamabilis matuksong magsugal sa mga tao? Hindi naman iyung may maraming pera kundi iyung walang-wala. Nakikipagsapalaran. Isusugal iyung kahit na konting kinikita nila dahil desperado sila. Ganyan din ang pulitika natin. Sugal din iyan—kaya nga ang pinakamadaling paraan para manalo ay pamumudmod ng ayuda at pamimili ng boto ng mga pulitikong makakapal ang mukha. Siyempre alam nila—ang maraming botante nasa survival mode; mga desperado iyan. Sumusugal sila, kumbaga. Ba’t di nila itataya ang boto nila kung kahit konting pambili ng bigas may maiuuwi sila? Ano ang karapatan nating tawagin silang bobotante?
Ang mas malaki ang pananagutan sa mata ng Diyos ay ang nagsasamantala. Walang ipinagkaiba sa usurerong nagpapautang nang malaki ang patubo sa alam naman nilang desperado at walang pambayad, mga tipong kapit sa patalim—para mas lalo silang mabaon sa hirap at mas madaling mapasunod pag eleksyon, para wala silang choice kundi itaya ang lahat pati puri at dangal ng pagkatao. Sugal din ang pulitika sa ating bansa. At ang ginagamit na puhunan ng maraming pulitiko ay perang galing din sa taumbayan; ipinambayad-buwis. Mabuti pa nga ang mayaman katulad ng nagpapatakbo ng mining companies, nakakaiwas sa tax; ang mahihirap—kaltas kaagad—sa suweldo, sa pinambayad kuryente at tubig, sa bawat grocery na binili, may patong na agad na buwis, buwis na ibinubulsa pala ng mga umiimbento ng ghost flood control project. Hindi lang tubig-ulan ang nagpapabaha sa ating bansa kundi korapsyon; at ang ugat ng korapsyon ay KAWALAN NG PAKIALAM.
Ang mga walang pakialam ang binabalaan ng ating unang pagbasa mula kay propetang Amos: Sa aba ninyo! Sawimpalad kayo! Ito ang sigaw ng propeta. Bakit? Aanihin ninyo ang itinanim ninyong kawalan ng pakialam. Sino ang makikialam sa inyo kapag bumaligtad ang sitwasyon at kayo naman ang nangailangan? Ang simbolo ng kawalan ng pakialam sa pagbasa ay bangin, agwat, o distansya. Kahit magsisigaw ka, walang makaririnig. O kahit marinig ka, walang makatatawid. Paano ka ililigtas kung pinaka-taas-taas mo ang mga pader ng bahay mo?
May good news at bad news po ako sa inyo tungkol sa kabilang buhay. Una, ang good news: lahat tayo ay pupuntang langit dahil lahat naman tayo ay welcome sa Panginoon. Pero heto ang bad news, kahit lahat papasok ng langit, hindi lahat mag-eenjoy sa langit. At iyon ang impyerno—iyung nasa langit ka na pero hindi ka maligaya. Bakit? Kasi sa langit, para mabusog ka kailangan magpakain ka ng iba. Para lumigaya kailangang magpaligaya ng iba. Kaya paano ka liligaya kung sa lupa nabuhay ka para sa sarili lamang.
Minsan kapag naantig ang damdamin natin at tumulong tayo sa mga kapos-palad, akala natin sila ang ginawan natin ng pabor. Hindi po. Kapag naaantig tayo at natututong magmalasakit—sila ang tumutulong sa atin. Tayo ang tumatanggap ng pabor—nagigising ang kabutihan sa ating puso, natututo tayong maging makatao at magpakatao. Ang nag-aakalang siya’y tumulong ang siya palang natulungan. Kasi dito sa mundo madali ang maging tao ngunit mahirap magpakatao. Pwedeng mukhang tao pero ugaling hayop kapag walang pakialam, kapag walang hinahabol kundi sariling kapakanan. Kapag nararamdaman na natin ang nararamdaman ng kapwa, noon pa lang umuunlad ang ating pagkatao.
May kuwento tungkol sa labandera namin noon sa seminaryo. Minsan dahil bakasyon, walang tao sa seminaryo kundi sila. Habang natutulog pagpapananghali, hindi alam ni Ate Rose na pumasok pala ang mga bata sa may iskwater, naakit sa mga hinog na kaimito na nahuhulog lang. Tatlong bata ang nakaakyat. Pero natakot sila nang lumabas si Ate Rose para maglaba. Mabilis na bumaba ang dalawa at nagtakbuhan. Ang pinakamaliit natakot, nagpanic, nakatapak sa tuyong sanga at nahulog sa tapat ng batya. Shocked si Ate Rose, pinulot ang bata, itinakbo sa ospital. Sa ospital—tinanong siya: pangalan ng bata? Sagot, ewan ko po. Address ng bata? Sagot: ewan ko po. Kaano-ano nyo ang bata? Sagot: wala po.
Sabi tuloy ng nars: E ba’t kayo nag-iiiyak diyan e di naman pala ninyo kaano-ano ang bata? Sagot: kasi para kong nakita ang sariling anak ko sa kanya. Malasakit ang tawag doon; kabaligtaran ng walang pakialam. (Walang kinalaman ito sa kunwari’y malasakit na ginagamit pa rin ng ibang mga pulitiko.)
Ito lang ang mag-aangat sa ating pagkatao at makapagliligtas sa ating bansa na nalulubog sa baha ng korapsyon at kawalan ng pakialam.
(Homiliya para sa ika-26 Linggo ng Karaniwang Panahon, 28 Setyembre 2025, Amos 6:1a,4-7; Lukas 16:19-31)