Walang Oca sa listahan ni Luy

    527
    0
    SHARE

    KUNG HINDI kasama sa ‘files’ ni Benhur Luy
    si Congressman Oca sa itinuturong
    sangkot sa ‘PDAF scam’ na sampung bilyon;
    kanino galing ang hawak ni Ping Lacson?

    Na listahan din ng umano ay sabit
    sa nasabing ‘scam’ kay Janet Napoles,
    na kung saan nga si Congressman Rodriguez
    ay nasa ‘logbook’ ng dating PNP Chief

    At naging senador pa manding kilala
    sa pagiging matalino at bihasa,
    pero ano’t hindi muna nirebisa
    ang listahan bago inilabas nila?

    (O baka pati si Ferdinand Magellan,
    Andres Bonifacio’t Dr. Jose Rizal
    ay kasama rin sa ibang pang listahan
    upang tayo ay lituhin ng mga yan?)

    Para patagalin ang imbestigasyon
    at maitago riyan ng DOJ itong
    tunay na culprit o ika nga ay author
    ng PDAF scam na ang halaga’y billions?

    At kung sinu-sinong mga matataas
    na opisyal itong posibleng kasabwat
    ni Janet Napoes para maka-‘kickback’
    sa kaban ng bayan nang napakaluwag

    Sa pamamagitan ng pekeng NGOs
    na kunwari ay may proyektong natapos,
    Pero nang siyasatin ng COA, ya’y halos
    ‘ghost projects’ lamang na billions ang nagastos!

    At kung sinu-sino r’yan ang idinawit
    ng ‘PDAF scam queen’ na si Janet Napoles;
    Kung saan pati na si Oca Rodriguez
    na ka-uupo lang – sa isyu nadawit.

    Pero kung ayon sa mismong ‘whistleblower’
    na si Luy ay wala sa ‘list of congressmen’
    itong si Oca sa ‘pork barrel scammers,’
    ya’y sukat mabatid ng mga Kabalen

    Upang ang anumang mga agam-agam
    hinggil kay Rodriguez ay lubos maparam
    partikular na sa dapat maka-alam,
    kung ano talaga itong PDAF scam.

    Na dili’t iba ay si Janet Napoles
    ang itinuturong ‘mastermind’ sa raket;
    Na di kakilala man lang ni Rodriguez,
    pero napasama siya sa “Napolist”

    At saka papanong ang isang katulad
    ni Oca, na walang CDF o PDAF
    na nagamit sa NGOs ay matulad
    sa umano’y kasangkot sa pandurugas

    Sa pera ng bayan, na kagaya nina
    Enrile, Revilla at Jinggoy Estrada;
    Dahil sa tiyak na proyekto napunta
    ang anumang PDAF o CDF niya.

    Kaya para siya isangkot sa ‘scam’
    kahit noon pa mang mga nakaraan
    ay malayong siya’y isangkot sa ganyang
    klaseng pagnanakaw sa kaban ng bayan.

    Ultimong sentimo ng kanyang CDF,
    PDAF man o kaya ibang klaseng badyet,
    depenido lahat sa kung anong ‘project’
    nagasta ang para kay Oca Rodriguez

    At tiyakan din naman niyang sinasabi,
    na kahit kailan ay di gumamit pati
    ng NGO ang ating Representante,
    kaya papaanong yan ay mangyayari?

    Na mapasama nga siya sa listahan
    nitong diumano ay mga kawatan,
    gayong ni minsan ay di nga gumamit yan
    ng NGO sa kanyang panunungkulan?!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here