‘Walang kita sa sports complex’

    382
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG SAN FERNANDO – Hindi sapat ang kita ng isang convention center upang matugunan ang gastos at pangangailangan nito buwan buwan.

    Ito ang naging pahayag ni Menchie Pangan, administrador ng Bren. Z. Guiao convention center at ng sports complex dito sa isang panayam ng Punto kamakailan.

    “It’s not self-sufficient, in fact umaasa parin kami sa pondo na nagmumula sa kapitolyo,” aniya.

    Sinabi din niya na kasama sa binabayaran nila mula sa taunang P4-milyong pondo ay ang mga manggagawa ng pasilidad na umaabot din mahigit sa P2-milyon kada taon.

    Ang kuryente o electric bill, aniya, ay umaabot sa P50,000 kada buwan at ang tubig naman ay nasa P9,000 na kinukuha din sa taunang pondo nito. Ngunit aniya, bumababa naman ito kapag walang gaanong gumagamit sa convention center.

    Hirap din umano sila sa pag-imbita sa mga mag-aarkila sa convention lalo na kapag tag-ulan dahil binabaha sa lugar na iyon.

    Dagdag pa niya, kung aasa lamang sa kita ng convention center hindi makakayang tugunan nito ang lahat ng gastos sa operasyon at maintenance kada buwan.

    Kumikita lamang umano ang naturang convention center (at hindi ang sports complex) kapag may mga gawain ang ibat ibang mga religious groups dito.

    Ang paggamit sa sports complex naman ay libre lalo na kapag may mga sports meet o palaro, ani Pangan.

    Matatandaang nangutang ng P812-milyon ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Angeles sa pangunguna ni Mayor Francis “Blueboy” Nepomuceno upang makapagpatayo lamang ng isang sports complex.

    Ani naman ni Konsehal Pitong del Rosario, kikita umano ang sports complex dahil dito gaganapin ang mga malalaking derby o sabong.

    Subalit ikinainis naman ito ng mga Angeleño at sinabing dapat munang unahin ang pagsasaayos ng Ospital ng Angeles, pagbabayad ng utang sa basura sa Kalangitan Landfill at pagpapasweldo sa mga empleyado ng city hall sa oras.

    “Mabuti pang gumawa na lamang pala sila ng sabungan at hindi ng ganoon kamahal na sports complex,” anila.

    Ani naman ni Gil Cortez, tumatakbong board member na kasangga ni Gov. Ed Panlilio sa ilalim ng Liberal Party, mangangailangan ng mahigit P100 milyon sa rehabilitasyon ng sports complex.

    Inamin din niya na mahirap magmintine ng sports complex.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here