Wala akong utang, ani ng alkalde ng Malolos

    653
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS—Pinabulaanan ng bagong alkalde dito na isang “pagbabayad utang” ang kanyang pagtatalaga sa apat na dating empleyado ng kapitolyo bilang kawani ng pamahalaang panlungsod.

    Ito ay kaugnay ng maugong na usap-usapan dito, partikular ng mga kawani ng pamahalaang panlungsod, matapos magsimula sa panunungkulan bilang alkalde ng Malolos noong Hunyo 30 si Christian Natividad, na isang dating Bokal ng unang distrito ng Bulacan.

    “Wala akong utang, anong babayaran ko,” ani Natividad sa programang “Rommel Ramos Po” na isinahimpapawid sa DWSS Radio noong Sabado ng umaga, Hulyo 17.

    Nilinaw din ni Natividad na ang mga dating kawani ng kapitolyo na kanyang itinalaga sa city hall ng Malolos ay mga residente ng lungsod.

    Bukod dito, ipinaliwanag niya na ang mga dating kawani ng kapitolyo ay hiniling niyang magtrabaho sa cityhall dahil sa angking karanasan at kakayahan ng mga ito.

    “Kailangan ko ang kanilang kakayahan at karanasan sa pagsusulong ng programa ng Malolos,” ani Natividad na nagsilbing Bokal ng unang distrito ng Bulacan mula 2007 hanggang 2010.

    Kabilang sa mga dating kawani ng kapitolyo na ngayon ay nagsisipagtrabaho sa cityhall ay sina Perlita Mendoza, ang dating provincial administrator ng kapitolyo, na ngayon ay nagsisilbi bilang hepe ng city information office (CIO) ng Malolos.

    Kasama ni Mendoza na lumipat sa city hall ay sina Mark Santos, Kim Quetua at isa pa na hindi pa natukoy ang pangalan.

    Kaugnay nito, hindi pa rin kumbinsido ang mga residente ng Malolos partikular na ang mga kasapi ng ibat-ibang non-governmental organizations (NGOs).

    Isa sa kanilang binigyan pansin ay ang posisyong hawak ngayon ni Mendoza na sinasabing taga-Bocaue, ngunit ayon kay Natividad ay nakatira na sa Malolos.

    “Wala na bang magaling na tao sa Malolos, at taga-Bocaue ang kinuha niyang CIO,” ang patanong na sabi ng isang kasapi ng Rotary Club sa lungsod.

    Binigyan diin din niya at ng kanyang mga kasama na si Mendoza ay dating provincial administrator at hindi isang information officer.

    Una rito, nagpahayag ng pagkadismaya ang mga kawani ng cityhall at mga kasapi ng NGO sa lungsod dahil sa pananaw na hindi taga-Malolos ang ilang kawani na itinalaga ni Natividad sa tungkulin.

    Binigyang diin nila na batay sa Charter ng lungsod, ang mga kawaning dapat humawak ng matataas na posisyon sa pamahalaang panlungsod ay dapat residente ng Lungsod.

    Dahil sa pagtatalaga ni Natividad ng mga bagong kawani, umugong ang usapan na “nagbabayad siya ng utang na loob” sa mga taong sumuporta sa kanya sa nagdaang halalan katulad ni dating Gob. Josie Dela Cruz.

    Matatandaan na si Natividad at kumandidato at nagwaging Bokal ng unang Distrito ng Bulacan noong 2007 sa ilalim ng partidong Kabalikat ng Malayang Pilipino (Kampi) na noo’y pinangunahan sa lalawigan ni dating Gob. Joselito Mendoza, ang nakababataang kapatid ni Gob. Dela Cruz.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here