Vintage hand grenades nakuha sa hunting site

    321
    0
    SHARE
    BALANGA CITY, Bataan – Nakakuha ang mga kasapi ng Explosives and Ordinance Division ng Bataan police ng 20 vintage Japanese hand grenades, dalawang 40 millimeter cartridge at dalawang tripflare na pinaniniwalaang naiwan ng mga treasure hunters sa bulubunduking bahagi ng  sitio Abo-Abo, barangay Dangcol, dito kamakailan.

    Ayon kay Insp. Dennis Orbista, EOD chief, delikado pa ring pumutok ang mga granada kung mabubunggo ang mga mitsa nito.

    Dadalhin aniya ito sa EOD range sa Capas, Tarlac. Maaari umanong naiwan ang mga granada ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

    Nakadiskubre rin sa lugal ng isang baul na gawa sa kahoy ang mga kasapi ng EOD na gamit diumano ng mga Hapon. Pinasan nila ang baul lulan ang mga granada.

    Natagpuan ng magsasakang si Rolando Panganiban, 52, ang mga granada sa isang timba habang nagpapastol siya ng baka. Makikita ang mga malalim na pinaghukayan ng mga treasure hunters na ayon sa bali-balita ay nakahukay sa lugal ng tatlong pirasong ginto.

    Maaari umanong nakalagay ang ginto at mga granada sa baul na kahoy na matibay pa rin.

    Kailangang lakbayin ang masukal na daan, tumawid ng ilog at umakyat at bumaba sa dalawang bundok upang marating ang lugar.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here