Vice Ganda humingi na ng apology kay Jessica Soho

    670
    0
    SHARE

    Tinablan din ng kahihiyan si Vice Ganda sa ginawa niyang pambabastos kay Jessica Soho.

    Humingi na ng paumanhin si Vice Ganda sa batikang brodkaster na si Jessica Soho dahil sa kanyang "rape joke" sa I-Vice Ganda Mo ‘Ko Sa Araneta concert noong May 17.

    Bago mag-umpisa ang daily variety show ng ABS-CBN na It’s Showtime noong May 29, binigyan ng pagkakataon si Vice para humingi ng tawad sa bise presidente ng GMA News and Public Affairs.

    “I just wanna make things right and I wanna make this day a beautiful one and start this right,” bungad na pagbati ni Vice sa mga nanonood ng kanilang programa.

    Pagkatapos ay nagbigay siya ng kaunting impormasyon tungkol sa isyung lumabas.

    Kuwento niya, “May mga malaking-malaking isyu na lumalaganap ngayon.

    “May 17, 2013, naganap po ang I-Vice Ganda Mo ‘Ko Sa Araneta.

    “It is a comedy concert. It is a comedy show. It is an enlarged comedy bar show kasi naganap po sa Araneta.

    “After eleven days, kahapon, may lumabas pong mga issue, na may mga na-offend, may binato sa aking issue, mayroon akong nalampasang linya, na mayroon akong sinabing hindi maganda, na mayroon akong mga taong sinadyang saktan, may mga tao akong natapakan.”

    Nagbigay ng pahayag ang broadcast journalists ng GMA-7 na sina Arnold Clavio, Maki Pulido, at Jiggy Manicad.

    Nagbigay rin ng opisyal na statement si Jessica kahapon, kung saan sinabi niya na, "Rape is not a joke and should never be material for a comedy concert."

    Umalma sila sa “rape joke” ni Vice kung saan si Jessica ang kanyang naging subject. Ginawa ring katatawanan ni Vice ang timbang ng Kapuso broadcaster.

    Ipinaliwanag ni Vice kung bakit hindi siya agad nakasagot sa isyung ito.

    Aniya, “Gusto kong i-take ang sitwasyong ito nang may tamang pag-iisip.

    “Ayaw kong gamitin ang galit para mag-react.

    “Ayaw kong gamitin ang pagiging immature para makipaglaban. Gusto kong maging matalino.”

    Kahapon ay kaagad siyang kinausap ni ABS-CBN Channel Head Cory Vidanes at tinanong ng ganito: “Ano ang gusto mong gawin?”

    Pinili raw ng Gandang Gabi Vice host na kausapin nang personal ang kilalang brodkaster ng GMA network para humingi ng paumanhin.

    Sabi pa raw ni Vice sa ABS-CBN executives, “Sa akin naman nagsimula, at may binitawan akong salita na naka-offend doon sa tao.

    “Kung hihingi ako ng paumanhin, mas sinsero at mas mararamdaman niya ang sinseridad ko kapag sinabi ko sa kanya nang personal.”

    Sa kanyang halos mahigit sampung minutong public apology, naikuwento ni Vice na tinawagan niya mismo si Jessica Soho.

    Subalit humingi ng dispensa si Jessica kay Vice dahil ayaw niyang muna itong kausapin.

    Kaya naman naisipan ng komedyante na idaan na lang ang kanyang paghingi ng paumanhin sa kanilang programang It’s Showtime.

    Saad ni Vice, “Ako po talaga ay humihingi ng paumanhin, humihingi po ako ng paumanhin.

    “Opo, iyon po ay isang biro na maaaring sa inyo ay hindi magandang biro.

    “At kung hindi po magandang biro yun, at nasaktan ko po kayo talaga, humihingi po ako ng paumanhin, patawad po.”

    Pangako pa ni Vice kay Jessica, “Hindi na kayo magiging kasama kailanman sa anumang tema ng pagtatanghal ko.

    “Yun lang po ang nararamdaman ko at ang naiisip ko pong tamang gawin para makabawi po ako—kung nasaktan ko po kayo.

    "Yun lang po, humihingi po ako ng kapatawaran.

    “Kung hindi n’yo po ako kayang patawarin sa ngayon, sana po balang-araw, mapatawad n’yo po ako dahil inuulit ko po, yun po ay isang biro lamang.”

    Kinuha na rin ni Vice ang pagkakataon na ito para sabihin na wala siyang intensiyong masama sa kanyang “rape joke” noong nakaraang concert niya.

    “Gusto ko lang pong klaruhin sa lahat na hindi ko po kailanman gustong kutyain ang sino mang rape victim.

    “Wala po akong intensiyong masama na pagtawanan ang mga rape victims,” sabi ni Vice.

    Humingi rin ng patawad si Vice kung mayroon man siyang nasaktan sa nasabing biro.

    Aniya, “Alam ko pong seryoso ang issue ang tungkol sa rape kaya hindi ko po ginawang seryoso na pagtawanan ang mga rape victims.

    “Wala po akong intensiyon na masama.

    “Gayunpaman, kung meron pong nasaktan, humihingi po ako ng paumanhin.”

    Humingi rin ng paumanhin si Vice sa publiko kung nasaktan sila sa isyung ito.

    Gayundin, nagpasalamat siya sa mga taong nakakaintindi sa kanyang nagawa.

    Para naman sa mga nakapagsalita nang masama kay Vice kaugnay ng isyung ito, sabi niya, “Hindi ako nagagalit. Kung hindi ninyo ako nauunawaan, ako ang uunawa sa inyo.”

    Humiling din ang comedian-TV host sa publiko na itigil na ang pagbibigay pa ng anumang opinyon tungkol sa isyu.

    Pakiusap niya, “Itigil na natin ‘to. Itigil na natin ang pagbibigay ng opinyon lalo’t lalo pa kung hindi n’yo naman alam ang nangyari at hindi kayo nakapanood. Kasi, magiging magulo lang ang mundo.”
     

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here