Kung ikaw ay may pagkabalat sibuyas,
Ngalang pulitika’y huwag pasukin dapat
Sapagkat malamang sa araw ng bukas
Ay mawawalan ka ng kasangga’t lahat,
Partikular na ng kaibigang tapat,
Kumpare at saka mga kamaganak.
Papano nga kasi, gaya halimbawa
Ng isang tulad kong mediaman ika nga,
Maiiwasaan ba n’yan sa iyong akala
Ang sa iba’t-ibang tanggapan o kaya
Kampo ang magtungo upang kaipala
Ay makakuha ng maibabalita?
O maisusulat sa espasyong hawak
Bilang ‘columnist’ na may sariling pitak;
Na kung saan ano pa man ang marapat
At kailangang sa masa ay maihayag,
Yan idinadaan namin sa panulat
Ng may dignidad at sa paraang patas.
Hindi komo ang ‘yong isang kaibigan
At mga kumpareng batid mong Mediaman
Ay nakita mo sa kampo ng kalaban,
Sila’y di mo dapat agad akusahan
Na inilaglag ka nang walang dahilan
Dahil ikaw na rin sa sarili mo n’yan
Ang sumisira sa inyong matibay na
Samahan at tunay na magkumpare pa,
Gaya ng tulad kong buo ang suporta
At pagtangikilik sa’yong kandidatura,
Pero nang dahil lang sa tsismis ng iba,
Ikaw na rin itong kusang dumistansya.
Kaya di mo na rin kami masisisi
Sa kung ano itong ngayon nangyayari,
Na aywan kung sinong tao ang nagsabi
Sa iyo na ang aking kapamilya pati,
Partikular na nga ang iyong kumpare,
Inilaglag ka na sa madaling sabi.
At dahil sa ganyan na rin lang humantong
Ang iningatan ko ng maraming taon
Para sa lubos kong pagsuporta noon
Hanggang sa ikaw na ang sumira ngayon,
Iboto man kita may pangamba akong
Langit at lupa ang posible mong tugon
Na dinala kita at ng pamilya ko,
Kaya’t hindi na lang kita iboboto,
Na gaya ng ibang kilala lang ako
Kapag ang mga yan kumakandidato;
Pero pagkaraan malabo nang piho
Ang kanilang mata kapagka’ natalo.
Lalo marahil ang sa’kin nag-akusa
Ng pagbalimbing na (kasi gawa nila
Kung kaya tapat man at dating kasangga
Ay napakadali nitong ietse-puwera);
At ang matindi ay mapag-venggansa pa,
Ayon na rin sa ibang naging lider niya.
At kung alin itong dating nakalaban
Ay siyang kasama n’yan sa kasalukuyan,
Gayong sa totoo lang ay inayawan
Nitong iba noong nagdaang halalan;
Kaya’t tunay namang nakapagtatakang
Kung alin ang tapat ang siya niyang iniwan.
Nandyan na yan, ano pa ang magagawa
Natin kumpadre sa mali mong akala,
Kundi idalangin na lang kay Bathala,
Na sana naman ay palarin kang bigla;
Bagama’t ang tsansa na manalo ka nga,
Ang pagitan nito ay langit at lupa!