LUNGSOD NG MALOLOS — Ilang UV Express drivers na ang tumigil sa pamamasada dahil sa mataas na presyo ng krudo habang ang ilang jeepney drivers naman ang hindi na rin papasada sa pagtatapos ng kanilang prangkisa sa Abril ngayong taon.
Ayon sa UV Express driver na si Antonio Aseo, halos kalahati na ng miyembro ng kanilang samahan ang tumigil na sa pamamasada dahil sa taas ng krudo.
Dati, aniya, ay 60 ang bumubuo ng kanilang samahan ngunit ngayon ay 30 na lamang ang pumapasada. Dahil sa hina ng kita sa pamamasada ay humanap na umano ang kanilang mga kasamahan ng ibang pagkakakitaan.
Kwento niya na sa maghapon nilang pamamasada ay kumikita na lang sila ng P300 na kulang pa sa pambili ng pagkain. May mga araw pa na wala na silang inuuwing kita at nauunawaan naman sila ng mga operators.
Kaya’t panawagan niya sa pamahalaan na kung maibaba man lang sana ng hanggang P50 ang kada litro ng krudo para kahit papaano ay makabawi man lang sa kanilang kita.
Samanala, ilang jeepney drivers sa lungsod na ito ang hindi pa rin pabor sa jeepney modernization program.
Gaya ni Ramonchito Hementera na pumapasada sa byaheng San Fernando at Malolos na titigil na lang sa pamamasada kaysa kumuha pa ng modernized jeepney kapag nagtapos na ang kanilang prangkisa sa Abril.
Hindi na daw kasi niya kakayanin pa ang pagbili ng bago na nasa P3 million ang halaga dahil tiyak na mabibigatan siya sa paghuhulog nito.
Nanghihinayang naman daw siya sa kaniyang ginagamit na jeepney dahil maayos pa ito na kaysa hindi na niya ito pakinabangan sa pamamasada ay gagawin na lang niya itong private vehicle o di kaya ay ipaarkila.