Home Opinion UPANG WALA NG PROTESTA SA SUSUNOD NA ELEKSIYON, DAANIN NA LANG SA...

UPANG WALA NG PROTESTA SA SUSUNOD NA ELEKSIYON, DAANIN NA LANG SA SABONG

193
0
SHARE
I.
Dahil sa mga PROTESTANG sa ngayon ay nagaganap
bunsod ng naging resulta ng halalang nakalipas
ang eleksiyon ngayon dito sa’ting bansang nililiyag
kung susuriin tila ba wala ng KREDIBILIDAD
katatagan ng Komisyon nanganganib na MAWASAK
kung patuloy ang REKLAMO na kanilang natatanggap
II.
Dalawang bagay lang naman ang dahilan ng PROTESTA
una, upang palabasing may MANDARAYA talaga
at ang iba ay di matanggap yaong KABIGUAN nila
na umasang mananalo ng dahil sa IMPLUWENSIYA
kung kaya’t ang nangyayari’y may mga UMAAPILA
umaasang mababago ang lumabas na RESULTA
III.
Protestang inihahain sa KOMISYON NG HALALAN
sinasabing ito raw ay INDIKASYON ng kawalan
ng TIWALA’t PANANALIG sa komisyong naatasang
magsagawa ng MALINIS na eleksiyon sa’ting bayan
na mayroong INTEGRIDAD at walang kinikilingan
botante ang mamimili ng kanilang IHAHALAL
IV.
Subalit sa nangyayari na KAWALAN ng tiwala
dignidad ng COMELEC ang tila nababalahura
baka pagdating ng araw ay wala ng MANIWALA
sa nabanggit na komisyon nitong ating inang bansa
kung totoo mang mayroong nangyayaring PANDARAYA
COMELEC ang sinisisi kahit di nila ginawa
V.
Mabuti pa sa sabungan ang lahat ng MANANABONG
tinatanggap kung ano man ang hatol ng SENTENSIYADOR
kahit libuhan ang pusta o kaya ay MILYUN-MILYON
ay tanggap ang pagkatalo ng MANOK na isinabong
samantalang sa halalan ang resulta ng ELEKSIYON
di matanggap ng ilan sa kandidato ang DESISYON
VI.
sa susunod na halalan mas MAINAM pa SIGURO
ay mag-alaga ng manok ang lahat ng KANDIDATO
kailangan lang mahusay ang pipiliin nilang KRISTO
at ang mga SENTENSIYADOR upang walang magreklamo
pagkataapos mailahad PLATAPORMA de GOBYERNO
malalaman kung sino ang mga DEHADO’T LLAMADO
VII.
Sa ganitong paraan ay maari ng MATANGGAP
ng mga kakandidato kung sila man ay MASILAT
wala na ring anuman pang BILANGAN na magaganap
mabilis pa ang resulta’t napapanood ng lahat
kesa naman COMELEC ang masira ang integridad
sa malinis na halalan na kanilang HINAHANGAD

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here