Ngayong kumbaga sa banig na hinigan
Nakatupi na ang nagdaang halalan,
Ang bawat isa r’yan sa mga naglaban
Ay may kwento nang sa buhay makikintal;
Sa naging mapalad yan ay karangalan
Habang sa natalo medyo kahihiyan;
Ganyan katamis at kapakla kung minsan
Ang bunga ng tagumpay at kabiguan.
Alin mang halalan ay may natatalo
At di basta natin matawaran ito,
Kaya kung di ka man pinalad manalo
Huwag mo na lamang ding pansinin siguro
Upang di gaanong masaktan ng husto
At maging tampulan ng anumang tukso;
Kung ngayon ay di ka sinuwerte, malay mo
Sa susunod ikaw naman ang panalo.
Pulitika lang yan at di natin dapat
Ikagalit sa’ting kapwa naghahangad
Makapanungkulan ang mapili’t sukat
Ng mga botanteng ang tiwala’y sapat
Sa nakatunggali nating mas pinalad
Kaysa atin, sanhi na rin nitong lahat
Na ng katangian nilang hinahanap
Ay baka taglay ng sa’tin nagpabagsak.
Sakali’t tumaob man ang ating bangka
Di dapat magtanim ng galit sa kapwa;
At sapagkat yan ay sugal ding mistula
Kakabig ka ba kung hindi ka tumaya?
Sa ayaw mo’t gusto matatalo ka nga,
Lalo’t ang kasangga ay malas din yata?
Yang sa pulitika handang sumagupa
Ay kumpleto dapat sa perang pantaya
Natalo’t nanalo, isipin n’yo na lang
Na ang pulitika’y may daya kung minsan
Kaya’t nangibabaw man ang nakalaban
Ay huwag natin silang basta pagbintangan
Ng kung anong bagay na di karampatan,
Kundi maginoong isuko ang laban
Sa kung sinong higit pinaniwalaan
Ng nakararami sa puntong naturan.
.
At ganun din naman sa mga nanalo,
Sana ay batid din ng iba siguro
Ang obligasyon n’yan sa ating gobyerno
Oras maupo na sa tanggapan nito;
Nang sa gayon ay masulit n’yan ng husto
Sa taongbayan ang kapalit ng boto
Na hinihingi para malagay sa puesto
Nang walang kapalit kundi ng serbisyo
Pagkat ang pagtupad ng ating tungkulin
Ay di nakukuha sa porma at galing
Ng pagsasalita kundi sa gampaning
Marapat bigyan ng kaukulang pansin;
Anong maidudulot nating mabubuting
Bagay sa ‘ting bayan kung tayo’y parating
Nakapako at walang malamang gawin
Sa mga pangakong di makayang tupdin?
At anong posibleng mapala ng masa
Kung para lang tayong pangtapong baraha?
Sana nga’y di kayo katulad ng iba
Na mababait lang kapag halalan na;
Upang di isumpa naming binoto ka,
Na isa ring palang kagaya lang nila;
Na di nalalayo sa isinusuka
Sa larangan ng maruming pulitika!