Unang taong ulat
    Kulang pa ang nagawa ko, tulungan ninyo ako –Alvarado

    389
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Kung si Gob. Wilhelmino Alvarado ang tatanungin, hindi pa sapat ang kanyang nagawa sa Bulacan sa loob ng isang taon bilang ika-31 punong lalawigan.

    Dahil dito, patuloy siyang umaapela sa mga Bulakenyo na tulungan siya, samantalang nangako din siya na sa loob ng susunod na dalawa hanggang tatlong buwan ay makikita na ang ilan sa mga bunga ng mga proyektong kanyang pinasimulan.

    “Wala pa, hindi pa sapat, kulang pa,” ani Alvarado sa isang maikling panayam.

    Ang maikling panayam ay may kaugnayan sa kanyang unang isang taong panunungkulan bilang gobernador ng Bulacan. Ayon kay Alvarado, hindi pa siya makakapagmalaki kung may nagawa man siya, dahil marami pang proyekto ang dapat niyang isagawa.

    “Kung ang aking standards ang gagamiting pamantayan, wala pa akong nagawa,” ani ng gobernador na bago manungkulan noong nakaraang taon ay nagpahayag ng “I will put the house in order” at “dudurugin ko ang kurapsyon sa kapitolyo.”

    Sa kabila ng pag-iwas ni Alvarado sa pagbibigay ng tiyakang sagot sa katanungan ng Punto, ay patuloy pa rin ang katanungan.

    Sa huli, inihalintulad ng punong lalawigan ang kanyang unang taon sa tungkulin sa pagtatayo ng pundasyon ng isang bahay o gusali. “I’m definitely putting the house in order, pero puro pundasyon pa lang ang naitayo ko kaya wala pang gaanong makita,” aniya.

    Dahil dito, umapela siya sa mga kalalawigang Bulakenyo hindi upang unawain siya, sa halip ay tumulong para sa mas matatag at mas maunlad na lalawigan.

    “Tulungan ninyo ako, kailangan ko ang tulong ng bawat isa para sa pagpapatibay ng ating kinabukasan at pagtiyak na magtutuloy tuloy ang kaunlaran ng Bulacan,” aniya.

    Kaugnay nito, hindi naman nakalusot sa pansin ng ilang Bulakenyo ang pagbabago sa loob ng bakuran ng kapitolyo, at maging sa loob ng gusali hanggang sa tanggapan ng punong lalawigan.

    Ilan sa tinukoy nilang pagbabago ay ang pagkawala ng baha sa kalsada sa harap ng Regional Trial Court (RTC), at ang pagpapanatili ng kalinisan sa loob ng bakuran.

    Napansin din nila ang bagong kumpuning palikuran sa unang palapag ng kapitolyo na bukod sa laging malinis ay naka-air-conditioned pa.

    Sa mga huling buwan ng nakaraang taon, ilang Bulakenyo ang kumwestiyon sa air-conditioned ng nasabing palikuran, ngunit sinagot iyon ni Alvarado na “don’t you think the Bulakenyos deserve that kind of comfort room?”

    Kumpara naman sa mga nagdaang administrasyon na namuno sa kapitolyo, higit na maingay at makapal ang taong nagtutungo sa kapitolyo partikular na sa tanggapan ng punong lalawigan ngayon lalo na kung mga araw ng Lunes, Miyerkoles at Biyernes.

    Ito ay dahil sa ang mga araw na nabanggit ay ginugugol ng gobernador sa pagharap sa mga kapwa Bulakenyo na nangangailangan ng tulong. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here