Home Headlines Unang quarantine facility para sa seafarers binuksan sa Bataan

Unang quarantine facility para sa seafarers binuksan sa Bataan

730
0
SHARE

Pinangunahan nina PPA general manager Jay Daniel Santiago at Gov. Albert Garcia ang pagbubukas ng quarantine facility para sa mga seafarers. Kuha ni Ernie Esconde


ORION, Bataan Pormal nang binuksan ngayong Biyernes ng Department of Transportation ang kauna-unahang quarantine facility sa labas ng Metro Manila para sa mga seafarers sa Port Capinpin dito.

Ang bagong facility na nakatayo sa 1,271.6 square meters na lupa sa bungad ng Port Capinpin ay pangangasiwaan ng Philippine Ports Authority na nasa ilalim ng DOTr.

Sinabi ni Gov. Albert Garcia na ang magandang quarantine facility ay bahagi ng pagtatalaga ng Port Capinpin bilang crew change hub simula noong unang linggo ng nakaraang Setyembre. Kauna-unahang crew change hub sa bansa ang port ng Orion sa labas ng Metro Manila.

“Napakaimportante na nagkaroon ng maayos na crew change hub. We came up with a good process and protocols na ligtas ang ating seafarers. Hindi sila masyadong maaabala at the same time hindi magdadala ng panibagong coronavirus disease dito sa ating barangay, bayan at lalawigan, sabi ng governor.

Masayang ibinalita ni Garcia na nitong mga nakaraang linggo ay nasunod ang mga health protocols at naging maayos o isa sa pinakamaayos na pagprocess ng mga seafarers ang disembarkation at  embarkation sa Port Capinpin.  

Ito, ani governor, ang napagusapan noong mga nakaraang buwan ng PPA at DOTr dahil kailangang ipatupad ang crew change na bahagi ng international agreement ang green lane processing. Kasama na umano nito ang quarantine facility.

“So natutuwa naman ako na bukod sa very strict protocols na tugma doon sa pinagusapan for the safety of the people of Orion and Bataan ay natuloy din ang mga facility na napagkasunduan katulad nitong napakagandang quarantine facility and so far after several weeks of implementation, wala tayong naging problema dito sa crew change, sabi ni Garcia.

Ang crew change nitong mga nakaraang lingo ay batch by batch. Small number lang dahil iniluluwas na kaagad pa-Manila ng mga van ang dumating na seafarers, point to point. Ngayon, marami na raw maa-accommodate dahil meron nang sariling quarantine facility.

“So ang mga seafarers na kababayan natin na matagal nang nakatengga dito sa Manila Bay na ilang linggo nang hirap na hirap, gusto nang umuwi, sabik na sabik makita ang mga pamilya mas mapa-process na natin ng maramihan at ligtas silang maihahatid sa kanilang mga pamilya, sabi ng governor.

Ayon kay PPA general manager Jay Daniel Santiago,ang plano sa bagong quarantine facility ay priority ang mga seafarers: “Pero kung talagang kakailanganin ng lokal na pamahalaan, maaari namang mag-allocate ng area para sa mga taga-Orion at taga-Bataan.”

May 100-bed capacity, aniya, na ang 25 ay para sa mache-check na positive o symptomatic at ang 75 ay para sa mga asymptomatic at negative habang naghihintay. Ang medical team, ani Santiago, ay may 48 beds na para sa mga encoder, swabber, at staff.

Ipinaliwanag ni Santiago na pagbaba sa barko ng seafarers, maghihintay ang mga ito sa One Stop Shop sa Port Capinpin na lahat ng requirements sa Bureau of Customs, Bureau of Immigration, at Bureau of Quarantine ay ipo-proseso.

Matapos ma-encode ang mga detalye ay sasailalim sa swab test ang mga ito. Habang naghihintay ng resuta ng swab, magpapahinga sila sa quarantine facility.

“Sa aming assessment, hindi naman aabot ng 24 hanggang 48 oras na maghihintay ang mga seafarers kapag negative sila. Sa quarantine facility sila maghihintay ng resulta ng swab test,” sabi ni Santiago.

Buhat nang buksan ang Port Capinpin bilang  crewchange hub, meron na aniyang mahigit 500 seafarers ang bumaba sa 27 barko at nakauwi na sa kani-kanilang bahay.

Pinuri naman ni 2nd District Rep. Jose Enrique Garcia III ang magandang ugnayan ng pamahalaan at pribadong sector sa pagkakatayo ng quarantine facility.

Sinabi ni Santiago na ang pondo sa pagkakatayo ng quarantine facility ay bahagi mula sa donasyong P100 million ng Lopez Group of Companies sa PPA at DOTr bilang suporta sa paglaban sa Covid19.

Bukod sa magkapatid na Garcia at Santiago at iba pang mga tauhan ng PPA at DOTr, dumalo rin sa pagbubukas ng quarantine facility sina Orion Mayor Antonio Raymundo at Puting Buhangin barangay chairman Danilo Arsenio.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here