MARILAO, Bulacan (PIA) — Humigit kumulang 25,000 trabaho ang inisyal na malilikha ng kauna-unahang Central Business District sa Bulacan.
Ito ang Northwin Global City na nasa 85 ektaryang lupain na matatagpuan sa gilid ng southbound lane ng North Luzon Expressway na sakop ng mga bayan ng Marilao at Bocaue.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, nasa 98 bilyong piso ang halaga ng pamumuhunan na inilalagak dito.
Aniya, patunay ito ng patuloy na pagiging isang Most Business Friendly ang Bulacan na magdadala rito bilang pinakabagong economic powerhouse ng bansa.
Hahatak din ito ng mga bagong pamumuhunan sa larangan ng turismo, hospitality, real estate, franchising, information and communication technology at business processing outsourcing.
Base sa iprinisinta ni Megaworld Corporation Executive Vice President Noli Hernandez,
makakakita na ng inisyal na operasyon sa magiging Central Business District sa Marilao at Bocaue sa susunod na limang taon.
Isusunod ito sa konsepto ng Bonifacio Global City at Makati Central Business District.
Kaya’t kabilang sa mga istrakturang itatayo sa Northwin Global City Central Business District ang mga corporate building, shophouse, hotel at mga mixed-use commercial tower.
Magkakaroon din dito ng mga high-rise residential condominiums kung saan ang pinakamataas ay 23 na palapag.
Iba pa rito ang itatayong lifestyle mall, educational institutions, bike lanes, intermodal transport terminal at mga garden at open parks na 40 porsyento ng kabuuang disenyo nito.
Gagamitan ng renewable energy ang isusuplay na kuryente gaya ng solar-powered na LED streetlights, underground cabling system at fiber optic cabling.
Isang namang stormwater detention facility ang gagawin upang makapag-imbak ng tubig ulan upang maiwasan ang pagbabaha rito at sa kalapit na mga lugar.
Gayundin ang pagtatayo ng iba pang sustainable infrastructure para sa epektibong transportasyon, maaasahang linya ng komunikasyon at malakas na internet.
Kaugnay nito, sinabi ni Department of Trade of Industry OIC-Assistant Regional Director at concurrent Bulacan Provincial Director Edna Dizon na ang pagdating ng mga malalaking pamumuhunan gaya nito ay resulta ng epektibong pagpapairal ng Republic Act 11534.
Ito ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Law na nagpababa sa corporate income tax hanggang 20%.
Nagbibigay din ito ng investment-based performance-based, output-based at employment-based na tax incentives.
Samantala, tutulong ang Bulacan Chamber of Commerce and Industry o BCCI na maging kwalipikado ang mas maraming Bulakenyo sa mga potensiyal na trabaho na bubuksan.
Ayon kay BCCI President Cristina Tuzon, magsasagawa sila ng labor at skill mapping upang matukoy kung sinu-sino ang potensiyal na manggagawa na mai-endorso sa Technical Education and Skills Development Authority.
Ito ay upang mapagkalooban ng Training for Work Scholarship upang makatamo ng NC II at NC III. (CLJD/SFV-PIA 3)