LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pormal nang nagsipagtapos ang unang 28 mga Bulakenyong micro, small and medium enterprises (MSMEs) na benepisyaryo ng Gabay-Negosyo Project.
Magkatuwang itong itinaguyod ng Department of Trade and Industry (DTI) at Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI).
Ayon kay DTI OIC-Assistant Regional Director at concurrent Provincial Director Edna Dizon, sila ang inisyal sa 100 MSMEs na target sanayin at agapayan ng upang makatamo ng karagdagang kaalaman at kasanayan sa inobasyon ng pagnenegosyo.
Ang mga natutunan dito ay magagamit sa layuning maitaas ang antas ng kakayahan sa digital marketing, financial management, human resource management at pag-aangat ng antas ng kalidad ng produkto.
Tumanggap ng Certificate of Completion ang mga nagsipagtapos at P10 libong halaga ng karagdagang puhunan mula sa ambagan ng mga kasapi ng BCCI.
Tututukan ng DTI at BCCI ang naturang mga benepisyaryo sa loob ng isang taon upang matiyak na magugugol nang tama ang naipagkaloob na puhunan.
Ipinaliwanag ni BCCI President Cristina Tuzon na napili ang mga benepisyaryo mula sa rekomendasyon ng mga local business chamber sa barangay kung saan ito nakatira.
Pinayuhan din niya ang mga ito na laging matapat at huwag kailanman lolokohin ang mga customers, maging malaki o maliliit man ang mga nabili sa kanila.
Huwag din aniyang matakot na umutang basta’t magiging manageable o kayang mabayaran sa takdang panahon.
Ito’y upang mapakinabangan din ang mga pautang ng pamahalaan para sa mga MSMEs na makakatulong sa pagpapataas ng produktibidad.
Ayon pa kay Tuzon, walang masama kung bigyan ng reward ang sarili kapag nakatamo ng tagumpay sa ginawa para sa negosyo. Basta’t huwag paghaluin ang pera para sa negosyo at ang personal na pera.
Kaugnay nito, hangad naman ni DTI OIC-Regional Director Brigida Pili na mareplika sa iba pang mga lalawigan ng Gitnang Luzon ang Gabay-Negosyo Project na inisyatiba ng DTI Bulacan at BCCI na isang magandang modelo ng public-private partnership sa larangang ito.
Samantala, mayroon nang pribilehiyo ang mga benepisyaryo ng Gabay-Negosyo Project na makalahok sa taunang Bulacan Food Fair and Exposition at may pagkakataon din na madala sa mga malalaking merkado gaya ng Likha ng Central Luzon Trade Fair. (CLJD/SFV-PIA 3)