SAMAL, Bataan: Puno ng saya at ng umaatikabong sayawan ang ginanap sa pagdiriwang ng kapistahan ng Sto. Nino sa Lote, isang tahimik na sitio ng mga mangingisda sa Barangay Tabing-Ilog sa bayang ito, noong Linggo ng hapon.
Una munang nagsagawa ng Banal na Misa at binendisyunan ang mga Imahen ng Sto. Nino ni Fr. Celso Dilig, kura paroko ng Iglesia Filipina Independiente sa Parokya ng Santa Catalina ng Siena ng Samal.
Umikot sa ilang lugar ng kabayanan ng Samal ang mga Imahen na sakay ng tricycle, e-bike, tri-bike at maliit na karo. May iba-ibang laki at kasuotan ang mga Imahen ng Sto. Nino.
Ang ibang Imahen ay isinasayaw ng mga maydala nito samantalang isang Imahen ang pasan-pasan ng ilang kalalakihan na sinasabayan ng matinding yugyugan.
Noong umaga ng Linggo matapos ang Banal na Misa sa Cathedral Parish of Saint Joseph sa Balanga City, Minor Basilica and Shrine Parish of Our Lady of the Rosary of Orani at ibang simbahang Katoliko, isinayaw rin ng mga deboto ang mga Imahen ng Sto. Nino.