Ugnayan kontra krimeng dulot ng land dispute palalakasin ng PNP, DAR

    389
    0
    SHARE
    CABANATUAN CITY – Nagkasundo ang Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) at ang dalawang sangay ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa lalawigan na magkaroon ng mas maigting na ugnayan sa mga kasong may kinalaman sa pagmamay-ari ng lupa.

    Ayon kay Senior Supt. Ricardo Marquez, direktor ng NEPPO, ang kasunduan ay resulta ng ginawang pagpupulong ng mga hepe ng pulisya sa 27 bayan at limang lungsod, provincial mobile groups (PMGs), at mga opisyal ng DAR North-Nueva Ecija at DAR-South Nueva Ecija noong Huwebes.

    Pinangunahan ni Marquez ang kumperensiya na ginanap sa punong himpilan ng NEPPO sa lungsod na ito.

    Sinabi ni Marquez na napakahalaga ang maayos na koordinasyon sa pagitan ng DAR at pulisya dahil sa resulta ng imbestigasyon na karamihan sa mga insidente ng pamamaril, ilan dito ay nagreresulta sa pagkamatay, ay bunga ng sigalot sa lupa.

    Ang Nueva Ecija na may pinakamalawak na kapatagan sa Gitnang Luzon ay pangunahing agrikultural na teritoryo kaya’t tinaguriang “rice granary.”

    Sinabi ni Supt. Ric Villanueva, hepe ng police community relations (PCR), na umabot sa 100 ang kaso ng pamamaril noong 2008 at marami dito ay usapin sa lupa ang pinag-ugatan.

    “Isa ang mga krimeng bunga ng awayan sa lupa sa mga dahilan kung bakit ang Nueva Ecija ay maituturing na murder capital of Central Luzon,” ani Marquez.

    Kaugnay nito, sinabi ni Orlando Tumacay, provincial agrarian officer ng South-Nueva Ecija, na bukod sa mga away indibidwal sa lupa ay kailangan ding bantayan ang pag-atake ng mga rebelde sa mga pagawaang bayan.

    “Kailangan ding bantayan ng mga pulis ang mga proyekto sa agrikultura na ipinatutupad ng gobyerno,” sabi ni Tumacay.

    Kabilang aniya rito ang mga “Tulay ng Pangulo Project” at mga proyektong suportado ng pamahalaang Israel.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here