LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Dumating na sa Bulacan ang 416 na kahon ng mga family food packs na padala ng Royal Family ng United Arab Emirates (UAE) para sa mga nasalanta ng bagyong Carina sa Bulacan.
Sa pormal na pagtanggap ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ni Gobernador Daniel Fernando, nagbigay siya ng direktiba sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) na prayoridad na makatanggap nito ang mga senior citizens na lubhang na binaha at mga walang-wala sa buhay.
Naglalaman ang bawat kahon ng tig-apat na lata ng tuna at chick peas, tig-dalawang pakete ng 400 grams na pasta at powder juice, tig dalawang lata ng sweet corn, green peas, red kidney beans, at fava beans.
Kasama rin ang tig-iisang balot na powdered milk, wheat flour, tea powder, basmati rice, cooking oil, delice red lentils, delice chick peas, dates khalas, tomato paste, delice sugar, oats, at iodized table salt.
Bahagi ito ng nasa mahigit dalawang libong packs na ipinadala ng royal family sa iba’t ibang lugar sa bansa na naapektuhan din ng bagyong Carina.
Sa ngalan ng mga Bulakenyo, nagpahayag ng pasasalamat si Fernando sa royal family ng UAE sa pagpapadala ng mga tulong na ito na pagpapatunay na isang mabuting kaibigan ang naturang bansa.
Ngayong 2024 ang Ika-50 Ginintuang Anibersaryo ng Diplomatikong Relasyon ng Pilipinas at UAE na naitatag noong Agosto 19, 1974. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)