TAMA LANG sa kanyang perception marahil
Si Bishop Oscar Cruz sa kanyang pasaring
Kay PNoy o sa Administrasyon na rin,
Na tipong harassment nang maituturing
Itong kay GMA ay patuloy pa ring
Di nito pagpayag na siya’y pauwiin
At house arrest na lang itong ipairal
Kay dating Pangulong Gloria Macapagal
Imbes manatili sa VM Hospital;
Nang sa gayon ang kalagayang pisikal
Ni Mam sa sarili niyang pamamahay
Ay muling sumigla kahit may sakit yan
Kapag nakalanghap ng sariwang hangin
Sa labas ng bahay na matagal na ring
Di nasilayan at kanyang nakapiling
Sa iisang bubong ang asawang giliw,
Mga anak, Apo, kapuso’t damdamin
Na magpapabilis sa kanyang pag-galing.
Kahit si senador Santiago ay pabor
Sa ‘house arrest’ para kay dating Pangulong
Gloria – kabilang ang iba pang Senador
At Kongresista rin namang hindi tutol
Na mailipat sa bahay niya sa Lubao,
Subalit ayaw pa rin yata ni PNoy?
Bakit nga ba’t tutol itong Malakanyang
Na isailalim sa house arrest na lang
Si Ginang Arroyo gayong di pa naman
Convicted kumbaga sa ibinibintang
Na ‘election cheating’ o ng ano pa mang
Kasong kriminal na dapat panagutan?
Kung tutuusin ay higit na mabigat
Ang kasong kay Ninoy isinampa’t sukat
Ng rehimeng Marcos,na kung saan dapat
Ang kaparusahan ‘death by firing squad’
Pero ang Pangulong Marcos ay pumayag
Na makalabas ng bansang Pilipinas
Para magpatingin ang dating Senador
Sa United States nang panahong iyon,
Gayong ‘convicted’ na sa kasong ‘sedition’
Ang ama ng ating ngayon ay Pangulong
Benigno Aquino III o ni PNoy;
Pero pinayagan pa rin nga ni Macoy!
Ganun din din naman Pangulong Estrada
Na nahatulan ding tulad ng Tatay niya,
Pero pinayagan ni Pangulong Gloria
Upang magpagamot yan sa Amerika;
At di lumalaon ay ‘absolute pardon’ na
Ang pinagkaloob ni Madam sa kanya.
Sabi nga ni Bishop di niya akalain
Na napakahirap pakaintindihin
Ang simpleng bagay na dapat talatasin
Ng administrasyon sa ikagagaling
Nitong maysakit na kababayan nating
Ayaw tantanan ng mga may musing din.
Na kung pakatingnan ay posibleng higit
Ang dumi sa mukha ng nasa paligid
Ng administrasyon, gaya nitong sabit
Sa PDAF Scam na ‘authored’ ni Napoles;
Malampaya, SARO at iba pang gimmick
Para magkapera ang mga limatik!
Na kung saan baka ang ating Pangulo
Ay sumunod kina Estrada’t Arroyo,
Kapag nagpabaya’t di niya kinastigo
Ang mga kawatan sa kanyang gobyerno;
Na di malayong ang tuwid na daan nito
Ay siyang landas para siya magka-kaso?!