Mula nang lahat na ng namamasukan
Sa nakararaming pribadong tanggapan
Ay sumailalim sa terminong contractual,
Di na kakaunti ang kawaning umangal;
Laban sa maraming employer na tuso
At ika nga’y mga walang pusong tao,
Na kulang na lang ay di bayaran nito
Itong sa kanila ay nagtatrabaho.
Kung saan bunsod ng walang katiyakan
Ng ‘security of tenure’ ng kawawang
Mga manggagawa ay nagagawa n’yan
Ang gusto kahit na wala sa katuwiran.
Gaya ng kahit na ubod pa ng tino
Ang isang empleado ay lubhang malabo
Na mapirmi ito at mapuesto nga po
Sa ganitong klaseng di patas ang laro;
Na nagsilbing batas na pina-iiral
Ng mga employer sa kasalukuyan;
Kung saan ya’y lagi ng nakalalamang
Sa ganitong klaseng naging kalakaran.
At nawalan na rin ng tsansa ang lahat
Na maipaglaban ang kung anong dapat
Makamit ninuman sa kung anong batas
Na tila hindi na sinuri kung sukat;
Na ang naging bunga nitong bandang huli
Ay tunay naman pong di kawili-wili
Para sa lahat na ng nakararami
Na apektado ‘in terms of security’!
Kasi nga, tulad ng nabanggit na natin
Ay talagang napakadaling sipain
Ng isang employer sa kanyang gawain
Ang sinuman basta’t naisipang gawin.
Gaya halimbawa kung medyo mataas
Na ang sueldo nitong isa niyang Kapatas,
Yan para lang maka-menos ng pambayad
Posibleng gumawa ng kung anong butas;
Upang mapatalsik ang dating tauhan
Para makatipid o di ma-obligang
Gawing regular sa posisyon niyang tangan
Ang sino man kahit pa ma’t ya’y mahusay;
Gaya nitong kailan lamang po nangyari
Sa pagitan nina Ginang Cruz at Andy;
Kung saan ang una’y tinanggal ang huli
Sa kanyang trabaho ng walang pasabi!
At basta na lamang biglang pinalitan
Ng naturang ginang ang dati po niyang
Ipinasasahod kay Andy nang walang
Anumang abiso na kinakailangan!
At ang masaklap ay di siya binayaran
Ni ginang Cruz sa kung anong marapat niyang
Ibigay kay Andy, kaya’t naisipang
Idulog ng huli sa NLRC yan.
Kung saan madali naman ding umaksyon
Si Delfin dela Cruz ng NLRC – Dole,
Na siyang nagmagandang loob sa naroon
Nang kami’y mag-‘file’ ng kaukulang sumbong;
Laban sa employer nilang si Ginang Cruz
Sa di pagbayad n’yan ng kung anong danyos
Na marapat nitong bayaran ng lubos
Upang ang ‘dispute’ ay madaling maayos!
At dalangin naming sana’y maging patas
Sa magkabila ang panuntunang batas;
At huag nawang mangibabaw ang mapilak,
Bunsod ng kung anong di karapat-dapat!