LUNGSOD NG MALOLOS— Sa inyong muling pagbisita sa Bulacan, tikman at subukan ninyo ang mga produktong Bulakenyo.
Ito ang buod ng planong kasalukuyang binubuo ng Bulacan Tourism Conventions and Visitors Board (BTCVB) para sa lalawigan ng Bulacan sa layuning higit na mapauinlad ang turismo maging ang paglikha ng trabaho. Ayon kay Dr. Ray Naguit, pangulo ng BTCVB, maraming lugar sa lalawigan ang nakakaakit sa mga turista.
Kabilang dito ang mga makakasaysayang lugar, ecological sites at mga cultural events na karaniwang dinarayo ng mga bisita. Ngunit ayon kay Naguit, hindi lamang ito ang dapat magsilbing atraksyon sa mga turista.
Sa halip, iginiit niya na isa sa mga nakakaakit sa mga turista ay ang iba’t-ibang tradisyunal na pagkain na gawa sa isang lugar.
Sa lalawigan ng Bulacan, ilan sa mga pagkaing maipagmamalaki ay ang ensaymada at inipit ng Malolos, longganiza ng Calumpit, minasa ng Bustos, pastillas mula sa San Miguel at chicharon mula sa Sta. Maria, bukod pa sa masaganang seafood na ani sa baybayin ng lalawigan partikular na sa Hagonoy.
Ayon pa kay Naguit, maging sa larangan ng arts and crafts ay maraming maipagmamalaki ang Bulakenyo. Kabilang dito ay ang puni art ng Malolos, bone inlaid furniture ng Baliwag, mga alahas sa Meycauayan, sombrerong buntal ng Baliwag, kawayang singkaban ng Hagonoy, at borlas ng pastilyas ng San Miguel.
“Kailangan natin ng mga integrated tourism package para higit na mapaunlad ang turismo sa Bulacan at makatulong sa paglikha ng trabaho,” ani Naguit matapos ibandera ng BTCVB ang mga produktong Bulakenyo sa katatapos na Tara Na sa Norte Tourism & Travel Fair sa Lungsod ng Makati.
Ang nasabing fair ay pinangunahan ng North Philippines Visitors Bureau (NPVB) ng Manila North Tollways Corporation (MNTC), ang pribadong konsesyonaryong namamahala sa operasyon ng North Luzon Expressway (NLEx).
Ayon kay Naguit, sa integrated tourism plan, hindi lamang ang mga turista ang masisiyahan o makikinabang sa turismo, kundi maging ang karaniwang mamamayan. “Ang nangyayari kasi, ang turista na nakasakay sa bus, pagdating ng Barasoain Church, iikot sa museum, picture- picture.
Pagkatapos sasakay na sa bus at pupunta na sa Clark, Subic o saan man sa north Luzon. So nasaan ang kita sa turismo doon? Hindi nakinabang ang Bulacan, hindi kumita ang mga Bulakenyo. Kaya kailangan para talagang maitulak ang turismo sa Bulacan ay integrated tourism,” sabi ng pangulo ng BTCVB.
Base sa iniaalok ng BTCVB sa kanilang booth sa Tara na sa Norte Tourism & Travel Fair, bukod sa karaniwang pagdadala sa turista sa simbahan ng Barasoain, isinama sa integrated tour package ang pagpunta sa tindahan ng pamosong ensaymadang Malolos, inipit at gawaan ng longganisa sa Calumpit.
Habang plano ring ilagay na mismo ang One-Stop Pasalubong Center sa mismong bakuran o patio ng Barasoain.
Layunin nito na makita na agad ng mga turista ang iba’t ibang pagkain at atraksiyon gaya ng puni-leaf art, singkaban bamboo art, buntal hat at paggawa ng borlas de pastillas o iyong pabalat nito.
Paliwanag pa ni Naguit, “sa ganoong paraan, lahat ay may potensiyal na kumita. Sa sistema rin na iyan. Hindi lamang ang simbahan ang kausap ng mga travel agency sa Maynila kundi ang BTCVB na mismo at ang BTCVB ang iisang kausap ng mga tourism stakeholders sa lalawigan. Iyan ang layunin.
Kikita ang lahat, magkakahanap buhay ang marami at pwede pang may magkatrabaho.” Kaugnay nito, tampok din sa panukalang Bulacan Integrated Tour Package ang pagsasalin ng kasanayan sa paggawa ng mga pamanang pangkalinangan at kultura.
Partikular na sa mga kabataang kumukuha ng kursong turismo, tinuruan silang magkayas ng kawayan na ginagawang arko ng singkaban. Ito ang ginagamit na pansalubong sa mga nakikipista at sabitan ng mga banderitas kapag may ipinagpipistang patron o malakihang okasyon.
Nasubukan din na makagawa ng puni o isang sining sa dahon na nagsisilbing dekorasyon sa lamesa sa isang piging bilang alternatibo sa sariwang bulaklak at ang paggawa ng borlas o pabalat ng pastilyas na nilalakipan ng sining.
Ang disenyo ay ibinabatay sa uri ng okasyon. Samantala, ibinida rin ang mga pagkain at produktong Tatak Bulakenyo gaya ng gurgurya, pinasok at kurbata de sebo na pawang mga putaheng natutunan ng mga kababaihan ng Malolos nang sila’y magtamo ng edukasyon partikular na sa larangan ng kulinarya.
Iba pa riyan ang paglalako ng mga ensaymada, inipit, sukang Bulakan at pastilyas.