LUNGSOD NG SAN FERNANDO — Natanggap na ng 998 benepisyaryo sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ang kanilang sweldo para sa kanilang 10 araw na pagtatrabaho sa kani-kanilang mga komunidad.
Sa pangunguna ng Public Employment Service Office at Department of Labor and Employment, maayos na naipamahagi sa mga naturang benepisyaryo ang kanilang sweldo na nagkakahalaga ng P4,200 bawat isa sa Bren Z. Guiao Convention Center nitong Miyerkules.
Personal na dumalo sa aktibidad si Gov. Dennis “Delta” Pineda, kasama si Senator Bong Revilla, na siyang nakiusap sa DOLE para mabigyan ng karagdagang pondo ang Pampanga para sa mga benepisyaryo ng TUPAD.
“Nagpapasalamat po ako kay Sen. Bong Revilla at sa DOLE para rito sa TUPAD program. Marami na naman pong Kapampangan ang natulungan at nabigyan natin ng pansamantalang hanapbuhay,” ani Governor Pineda.
Samantala, nagpasalamat din si Revilla sa mainit na pagtanggap ng Pampanga sa kanya, at nangako ng patuloy na suporta para sa mga Kapampangan.
“Unti-unti pa lang tayong bumabangon mula sa pandemya, kaya malaking bagay itong TUPAD para sa ating mga kababayan. Makakaasa sila na tayo po ay hindi nakalilimot. Kung anuman ang mga pangangailangan dito sa Pampanga, narito po ako para umagapay,” ani Revilla.
Dumalo rin sa pay-out activity sina 3rd District board member Rosve Henson, mga lokal na opisyal ng lungsod ng San Fernando, at ang anak ni Revilla na si Bryan Revilla. Pampanga PIO/Kuha ni Jun Jaso