Home Opinion Tunay nga kayang may gayuma ang pulitika?

Tunay nga kayang may gayuma ang pulitika?

954
0
SHARE

ANO kayang klaseng gayuma mayroon
ang pulitika at nagagawa nitong
pati magkapatid pag-agawan itong
iisa’t parehong target na posisyon?

At iba pang ‘seat of power’ sa gobyerno,
na kung minsan ay magkamag-anak mismo
ang magkatunggali sa iisang puesto,
kaya away magkapamilya ang dulo.

Gayon din naman sa mga magkasangga,
magkaibigan at dating magkasama,
iyan nang dahil lang din sa pulitika,
nasira ang magandang samahan nila.

Kasi personal na interes ng bawat
isa sa kanila itong humikayat
upang tumakbo at di maglaban dapat
para sa iisang puesto nilang hangad.

Na hayan ang iba parehong natalo
kaya nga’t sisihang umaatikabo
itong sa labi n’yan nasabi siguro
nang mahimasmasan na sila pareho.

Ang kagandahan lang sa nakalipas na
halalan, kung saan itong nilumot na
sa larangan ng maruming pulitika,
na kagaya r’yan ng mga Estrada;

At iba pang sila-sila na lang itong
sa panunungkulan ay nagri-rigodon,
sa wakas, bayan na ang siyang humatol
upang bumitiw sa hawak na posisyon.

Kasama na riyan itong walang buting
nagawa habang sila’y nasa tungkulin
kundi ang magnakaw at kanilang gawing
palabigasan ang kabang-bayan natin;

Na aywan, kung bakit ay nagagawa pa
ang makabalik sa tungkulin ang iba,
gayon sa totoo lang ay marami na
itong sa ‘politics’ dapat itsepwera.

At siyang lumalamon at palaging bundat
sa kwartang para sa sambayanan dapat,
kung saan habang ‘yan ay nagpapasarap
taongbayan itong ang mata ay dilat

Sa matinding gutom at wala ni kubo
itong iba nating kapwa Filipino,
na iskwater sa sariling bansa mismo,
na pag-aari na ng dayuhan dito.

Ng kagaya r’yan ng mga mayayamang
Intsik na tulad ni Herbert Sy, Lucio Tan,
Gokongwei, Tan Caktiong, Tony Tan, Ramon Ang
at iba pang aywan kung anong nasyonal.

Kaya malaki ang ating pasalamat
sa puntong ang dayuhan sa Pilipinas
ay hindi kailaman puedeng makahawak
ng anumang puesto – dahil baka lahat

Na ng Filipino bukas, makalawa
ay alipin na n’yan, na hayan at kita
ang paunti-unting pagdaong sa isla
na tayo ang siyang may-ari talaga.

Pero hayan itong ating inihalal
na inaasahang sa atin gagabay,
kampante lamang sa kanilang upuan
habang tayo’y unti-unting sinasakal.

Panahon na para tayo makawala
sa maruming pulitika sa’ting bansa,
kaya bago pa ang problema lumala
magsikilos na ang manipis ang mukha!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here