Tunay na reporma sa ating pulitika ang tanging pagasa

    308
    0
    SHARE
    Kung di magbibitiw si Ginang Arroyo
    Sa kasalukuyang katungkulan nito,
    Maliban na lang sa himala siguro
    Ay tiyakang walang kapana-panalo

    Itong bukod tanging nanganghas lumaban
    Kay Madam para sa pagka-Kinatawan,
    Sa 2nd District ng ating lalawigan,
    Na ni hindi kilala ng karamihan.

    Pagkat sa mundo ng ating pulitika
    Ay ngayon ko lang din narinig kumbaga
    Ang ngalang Adonis Simpao sa Pampanga,
    Kahit pa man siya’y pamilyar sa iba.

    At marahil kahit si Professor David
    Na mas kilala kumpara kay Adonis,
    Ang posibilidad ay napakaliit
    Upang manalo siya d’yan sa 2nd District.

    Kasi nga kung di rin lang naman uusad
    Ang anumang bagay na itinutulak
    Upang harangin siya o ma-“disqualified,”
    Anong panlaban ng sinuman haharap?

    Kontra sa Pangulo pa ng Pilipinas
    Sa panahon ng kanilang paghaharap,
    Dahil bitbit ni Mam ang lahat ng armas
    Kumbaga sa isang sa gyera’y sasabak.
     
    O ang lahat na ng klaseng makinarya
    Ay nasa kamay n’yan, maliban sa pera.
    (Kaya di malayong mapasayaw niya
    Pati na pilay ang magkabilang paa?)

    At marahil kahit magbitiw si Madam
    Ay baka wala pa ring kalaban-laban
    Itong ni “foot bridge” ay di naipagwa n’yan
    Sa distrito nila sa kasalukuyan;

    O nitong bago pa mag-“file” sa Comelec
    Ng COC nila, kung saan milyones,
    Ang naipagawa na sa 2nd District
    Ni Madam, lalo na sa kanyang “bailiwick;”

    O sa Lubao pa lang, sa laki ng pera
    Na ginugol nito upang ang simpatya
    Ng ka-distrito ay ganap na makuha
    At makatiyak na mananalo siya.

    (Pagkat sila itong huli niyang baraha
    Sa target na trono kapag sinwerte siya;
    Kung saan ayon sa hinuha ng iba,
    Ay daang pabalik sa bababaan niya?

    At kung saan bunsod ng di pagbibitiw
    Ni Pangulo bilang Presidente pa rin,
    Itong isa’y walang iniwan sa sisiw
    Na nanganghas lumaban sa isang lawin.

    Kaya’t “impossible dream” na matatawag
    Kung di man animo ay kusang paglundag
    Sa bangin ang biglang paghabol at sukat
    Ni Simpao sa puestong ang laban… di patas!)

    Kung saan posibleng ang tanging pag-asa
    Na lang ni Simpao ay tunay na reporma
    Sa mabahong sistema ng pulitika,
    Na nangingibabaw palagi ang pera.

    Kaya naman kailan pa magkakaroon
    Ng dukhang lider na ang tanging ambisyon
    Ay makapagsilbi (at di pandarambong)
    Ang makayang gawin sa taglay niyang dunong

    Kung ang palagi nga nating tinitingnan
    Ay ang personal na pinamimigay n’yan;
    At di kung ano ang para sa‘ting bayan,
    Magagawa nitong pawang kabutihan!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here