TUMAGILID SA BANGIN
    Bus nahulog, 30 sugatan

    462
    0
    SHARE

    BAGAC, Bataan – Tatlumpu ang sugatan , kabilang ang driver, nang ang sinasakyan nilang mini-bus ay mahulog at tumagilid sa bangin sa gilid ng national highway sa barangay Binukawan, Bagac, Bataan Lunes ng hapon.

    Ayon kay Genaro Velasco, 50, drayber at may-ari ng mini-bus, nawalan siya ng preno habang bumubulusok sa kurbadang kalsada sa Sitio Antipolo sa Barangay Binukawan. May mga sugat sa dalawang paa at ibang bahagi ng katawan ang drayber.

    Unang isinugod si Velasco at ang 29 niyang pasahero sa Bagac Community Medicare Center ngunit inilipat din agad sa Bataan General Hospital sa Balanga City.

    Galing sa Balanga ang mini-bus at papuntang Barangay Saysain sa Bagac ang mga pasahero nang mangyari ang aksidente bandang 2:10 ng hapon.

    Kinumpirma ng ilang sugatan na nawalan ng preno ang sasakyan at marami pa diumanong nagtulong-tulong sa manibela upang maiwasang mahulog sa malalim na bangin ang mini-bus.

    Nasagi sa tagiliran ang isang jeepney na nakaparada sa gilid ng highway at pagkatapos ay sinagudsod ng mini-bus ang steel railing at isang maliit na puno ng kahoy bago ito mahulog at tumagilid sa bangin.

    Ayon naman kay Chief Inspector George Santiago, Bagac police chief, karamihan sa mga bus ay pag-aari ng mga drayber at walang opisyal na pangalan kagaya ng ibang mga malalaking bus.

    Dagdag pa niya na pinag-iisipan din nila kung kailangan pang sampahan ng kaso ang drayber.
    Sinabi din ni Santiago na ang mini bus ni Velaco ay nakakapagsakay ng hanggang 60 pasahero.

    –May kasamang ulat mula kay Ding Cervantes

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here