Home Opinion Tuloy kayo!

Tuloy kayo!

772
0
SHARE

KUNGA ALAM ninyong gamitin ang imahinasyon, makikita ninyong angkop na angkop ang mga pagbasa natin ngayon sa Pista ng Parokya ng Sagrada Pamilya dito sa Kalookan. Nandiyan sila sa background—ang pamilya ni Hesus. Syempre magkakamot ka ng ulo at magkukunot-noo—saan? parang di ko yata narinig?

Konting kwento muna. Noong pumasok ako sa seminaryo, parang lalong lumaki ang pamilyang kinabibilangan ko. Lahat ng mga kapwa-seminarista ko, parang mga kapatid ko na rin. At alam iyon ng parents ko, kaya welcome silang lahat sa bahay, kasi alam nilang kaibigan at kapatid din ang turing ko sa kanila. Welcome silang makikain at makitulog kahit walang pasabi.

Wala naman kasi kaming telepono noon, at hindi pa uso ang mga cell phone kaya hindi naman pwedeng mag-text. Kaya madalas mangyari, kapag meron kaming apostolate o lakad ng mga seminarista sa Pampanga, sasabihin ko sa mga kasamang seminarista, daan tayo kay nanay doon na tayo kumain ng tanghalian para makatipid ng pangkain sa carinderia. 

Sanay ang nanay ko noon sa ganyan. Siyempre nagugulat siya dahil walang pasa-pasabi, biglang mag-uuwi ako ng tatlo o limang kasamahan sa seminaryo, minsan di lang makikikain, makikitulog pa. No problem, laging may nakatagong corned beef si nanay o sardinas, igigisa niya at sasahugan ng maraming repolyo at isang kalderong kanin, sulit na.

Balikan natin ang ebanghelyo—nasaan doon ang Sagrada Pamilya? Napalingon daw si Hesus sa dalawang alagad ni Juan na sumusunod sa kanya. Tinanong siya: “Rabbi, saan ka nakatira?” Sagot niya, “Halikayo, para makita ninyo.” Saan ba ang tirahan niya, edi Nazareth? Palagay ko nabigla rin sina Mama Mary at Tata Jose at biglang nandoon ang anak nilang lagalag, nag-uwi pa ng dalawang katropa. Pero sa isang masayang tahanan, ang bati ay TULOY KAYO! Hindi lang sila nakikain, nakitulog pa. Ganyan ang pamilya. Sa una, mga kadugo lang ang miyembro. Dahil lumalaki ang mga bata, dahil inaruga sila at pinalaki sa mabuting pagsasamahan, marunong ding makisama, nagkakaroon ng maraming kaibigan. Ganyan kung lumaki ang pamilya—mag-uuwi ng mga kaibigan ang mga anak. Ang iba, asawa ang iuuwi.

Noong November last year, nag-book launching ang aming pamilyang David na taga-Betis (iyon ang aming Nazareth). Ang title ng libro ay BALE PINAUD, sa Tagalog, BAHAY NA PAWID. Koleksyon ng aming mga kuwento tungkol sa naging karanasan naming magkakapatid na lumaki sa Bahay na Pawid na punong-puno ng kasaysayan at alaala. Kaya imbes na gibain at baguhin ay minabuti naming panatilihin ang mga orihinal na bahagi nito at dinagdagan na lang ng modernong toilets at in-extend ang kainan. Dahil ako lang ang hindi nag-asawa sa aming labintatlong magkakapatid, at ang immediate family pa lang namin ngayon, mahigit nang isandaan katao—isang barangay na kami kapag may okasyon sa bahay. 

Manghang-mangha ang mga pinatutuloy namin sa bahay namin: lalo na pag itinuturo ko ang mga antigo at barnisadong kilong kawayan ng aming bubong na pawid. Kapag kinukuwento ko na dating nakasabit noon ang aming mga pinatuyong pusod sa mga kilong kawayan ng bahay. Siguro may ibig sabihin ang tradisyon naming iyon—para manatili kaming nakatali o nakaugnay sa pamilyang kinalakihan.

Alam natin hindi, hindi naman lahat ng “bahay” ay nagiging “tahanan”. Sa Ingles, NOT EVERY HOUSE IS A HOME. Minsan, tirahan lang pero hindi tahanan. Nagiging tahanan kapag ang nakatira’y “hindi kuwago” kundi mga “tao”, wika nga ng kasabihang Tagalog, mga taong nagpapakatao, nagmamalasakit sa isa’t isa, nagmamahalan. Nagiging tahanan ang tirahan kapag pwede mong iwan pero laging puwede mong uwian. Tahanan na hindi nagtataboy kundi nagpapatulóy. Palagay ko, katulad din ng tahanan ni Hesus sa Nazareth ang bahay namin sa Betis. Marami ring pinatuloy. Naging tagpuan, di lang ng magkakamag-anak, kundi pati na ng mga kaibigan ng mga kamag-anak.

Hindi lang mga bahay na bato o mga mamahaling bahay sa mga subdivision ang pwedeng maging tahanan. Di ba noon may TV comedy series ang yumaong si Dolphy na HOME ALONG DA RILES? Kung “along da riles”, ibig sabihin ang napangasawa ni Nida Blanca na anak ng milyonaryang si Donya Delilah (papel ni Dely Atay-atayan) ay iskwater. Pero kahit bahay-iskuwater di pala dapat maliitin; pwede rin palang maging tahanan, pwedeng makabuo ng mabuting pamilya, dahil nagmamahalan. 

Sabi ni San Agustin “Kung saan may pag-ibig, naroon ang Diyos.” Kahit pinakalaki-laki mo ang simbahan kung walang pagmamahalan at pagmamalasakitan ang parokya, hindi sila puwedeng maging sagrada pamilya. Pero kahit munting barong-barong sa Nazareth, kahit sabsaban sa Bethlehem pwedeng maging tahanan ng Diyos, tahanan ng Sagrada Pamilya kung bukod sa mabuting pagsasamahan ng mag-anak, laging bukas ito at nagpapatuloy sa ibang tao, na sa kalaunan ay nagiging DI-NA-IBA kundi kapamilya na rin.

Sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa, tayo pala mismo ang templo ng Diyos. Hindi ang mga bahay na bato kundi mga puso’t diwa ng mga taong kahit magkakaiba ng karakter at personalidad ay nagiging parang iisang katawan. Katulad nating lahat dito sa loob ng simbahang ito. Iisang Salita ng Diyos ang pinakikinggan natin, iisang katawan ni Kristo ang tinatanggap natin. Kaya kahit di tayo magkakadugo, pwede tayong maging pamilya; pamilya ng Diyos. Pamilyang hindi nagtataboy kundi NAGPAPATULÓY. Kahit saan dala-dala ang kapayapaan, kapanatagan, pagsasamahan na nakakabuo ng tahanan kahit saan.

Si Samuel daw, sabi sa unang pagbasa, maliit pa lang siya sa templo na siya nakatira, malapit sa Ark of the Covenant (ang Kaban ng Tipan, ang pinakasagradong dako ng templo). Kaya hindi lang hilik ng matandang paring si Eli ang naririnig niya. Bata pa siya, naririnig na niya ang tinig ng Diyos dahil meron siyang misyon: ang iparinig din sa buong bayan ng Israel ang tinig na ito. Para ang buong bayan ay maging tahanan ng Diyos, maging pamilya ng Diyos, maging Sagrada Pamilya.

(Homiliya para sa Ika-2 Linggo ng Karaniwang Panahon, Pyestang Sagrada Pamilya (Kalookan), 14 Jan 2024, Jn 1:35-42)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here