‘Tuloy ang laban’

    348
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG ANGELES – Hindi kami nag-back out sa laban gaya ng sinasabi ng aking mga katunggali. “Tuloy ang laban.”

    Ito ang naging pahayag ni Ares Yabut, humahabol na kongresista sa unang distrito ng Pampanga, bilang sagot sa kanyang mga katunggali na ikinakalat na siya ay umurong na umano sa laban.

    “Tuloy ang aming pangangampanya, hindi totoo na ako ay umurong sa laban,” ani Yabut sa isang panayam ng Punto noong Huwebes.

    “Bakit kailangan nilang magsinungaling at magkalat ng maling impormasyon? Natatakot ba sila dahil alam nilang madaming sumusuporta sa akin?” dagdag pa niya.

    Sinabi din niya na ito ay isang palatandaan na nababahala ang kanyang mga kalaban sa pulitika bagaman hindi siya gumamit ng “black propaganda” ay madami parin ang sumusuporta sa kanya.

    “Mananalo ako sa isang patas na labanan. Sa totoo lang, wala akong sinabing masama laban sa aking mga katunggali. Plataporma ang aking inilalatag sa mga tao,” ani Yabut.

    Matatandaang sinabi ng three-termer na konsehal ng Angeles na sakaling maupo siya bilang isang congressman na kanyang gagawin ang mga hindi nagawa ng kanyang katunggali na naupo ng 21 taon bilang kongresista. Ito ay ang lone districting ng Angeles, cityhood ng bayan ng Mabalacat, tatlong mobile clinic para sa unang distrito ng Pampanga at pagpapatayo ng state colleges.

    Hindi umano nangangailangan ng 21 taon upang magawa ang nasabing mga programa. “Tatlong taon o isang terrmino lang ay maisasakatuparan ang mga ito,” ani Yabut.

    Nanawagan din siya sa kanyang mga katunggali na maging patas sa labanan upang makita kung sino ang tunay na ihahalal ng mga tao.

    Naniniwala din si Yabut na madaming mga batang botante ngayon ay hinahanap ang isang masipag at batang kongresista na kagaya niya.

    Sinabi si Yabut na hindi siya pwedeng umurong dahil “kapag umurong ako ay hindi na ako mananalo kahit barangay captain lang sa 2013. Mawawalan na ng tiwala ang mga tao kapag ganun.”

    Maglulunsad din umano ng isang malaking motorcade si Yabut sa Mayo 8 sa buong unang distrito upang ipakita na tuloy tuloy ang kaniyang laban.


    PLATAPORMA

    Sinabi niya na dapat maging lone district ang lungsod ng Angeles upang lalo itong mapaunlad gayundin ang bayan ng Mabalacat at Magalang.

    “Kapag nangyari kasi ito, magkakaroon ng sariling congressman ang dalawang bayan at magkakaroon din ng sariling pork barrel na siyang gagamitin sa iba’t ibang mga proyekto,” ani Yabut.

    Bukod dito, kukumbunsihin din umano niya ang ibat-ibang mga investors upang mamuhunan at paunlarin ang bayan ng Magalang sa larangan ng agrikultura.

    Ang Mabalacat naman ay dapat nang maging lungsod na siya namang pagsisikapang i-follow up ni yabut sa Kamara.

    Kailangan din umanong magkaroon ng tatlong mobile clinic ang unang distrito na siyang lilibot sa mga barangay at sa mga resettlement areas upang magbigay ng libreng medical check-up at mga gamot.

    Ang Ospital ng Angeles naman ay kanya rin umanong bibigyan ng sapat na pondo upang huwag ng ilipat sa ibang ospital ang mga maysakit na nagpapagamot dito lalo na ang mga mahihirap.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here