Tulong para sa pamilya ng biktima ni Kabayan

    388
    0
    SHARE

    HAGONOY, Bulacan – “Tulungan ninyo kami”.

    Ito ang daing ng mga kapamilya ng dalawang biktima ng bagyong Kabayan na nalunod sa karagatan ng Manila Bay kamakailan.

    Ang mga biktima ay nakilalang sina Liberato De Jesus Yumul, 46; at Jason Reyes 35, kapwa mananambak sa palaisdaan at residente ng bayang ito.

    Ang dalawa ay nasawi  matapos hampasin ng along kasing laki ng bahay ang bangkang kanilang sinasakyan noong Huwebes ng umaga nang nakaraang lingo habang patungo sa Macabebe, Pampanga kung saan sila ay magtatambak ng pilapil ng palaisdaan.

    Ayon kay Benedict, 16, anak ni Yumul na nakaligtas sa sakuna, hindi nila inaasahan ang laki ng alon sa Manila Bay dahil kalmado ang hangin sa bayang ito noong Huwebes.

    “Magkatabi kami ni Tatay sa bangka at pinayuhan pa niya ako na maghubad ng jacket para makalangoy bago tumaob ang bangka,” ani Benedict.

    Sinabi pa niya na nakita niya ang kanyang ama ng lamunin ito ng malalaking alon.

    Natagpuan kamakailan ang bangkay ni Yumul, samantalang ang bangkay ni Reyes na inilibing na ay natagpuan sa karagatan sa bahagi ng Cavite.

    Hindi naman malaman ng may bahay ni Yumul na si Susan, 48 kung paano itataguyod ang anim na anak nila.

    Gayundin ang naging pahayag ng maybahay ni Reyes na si Catherine habang inaalagaan ang tatlong supling ng makapanayam ng PUNTO.

    Sinabi ng dalawang biyuda na umaasa sila sa tulong ng pamahalaan ngayon para sa pagpapaaral ng kanilang mga anak. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here