Home Headlines Tulong ng DSWD sa Bataan freeport workers abot P25-M

Tulong ng DSWD sa Bataan freeport workers abot P25-M

1038
0
SHARE

MARIVELES, Bataan  — Umabot na sa P25 milyon ang tulong na naipagkaloob ng Department of Social Welfare and Development sa inisyatibo ng Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB) sa mga manggagawa ng Freeport Area of Bataan dito na naapektuhan ng pandemya.

Sinabi ni AFAB information officer Hazel Keith Elloren na ang programang assistance to individuals in crisis situation (AICS) ng DSWD sa ilalim ng proyektong FABayanihan ng Bataan freeport ay nakatulong na sa 8,339 manggagawa.

Ang cash dole out, aniya, na P3,000 bawat trabahador ay may koordinasyon sa opisina nina Bataan 2nd District Rep. Jose Enrique Garcia III at Senator Bong Go.

Ang pinakahuling payout ay ginanap noong Hunyo 17 – 18, 2021 na may halagang P5 milyon para sa 1,672 manggagawa sa panahong nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine ang lalawigan.

Nagkaroon, ani Elloren, ng kaunting problema ngunit sa magandang pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan ay nairaos din ng maayos ang payout.

Ipinatupad, aniya, ng AFAB ang  mahigpit na implementasyon ng health at safety protocols batay sa alituntunin ng MECQ. Ang mga senior citizens, mga buntis, mga may medical condition at persons with disabilities ay binigyan ng prayoridad.

Ang mga grupong ito ay binigyan ng special booths sa mismong pasukan ng gusali kung saan ginanap ang payout.

Bukod sa cash assistance, ang mga benepisyaryo ay pinagkalooban ng grocery at food packs, vitamins, facemasks at face shields mula kay Go. Nagpa-raffle din ang senador ng anim na bisekleta, anim na tablet computers at apat na pares ng branded rubber shoes, sabi ni Elloren.  

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here