STO. DOMINGO, Nueva Ecija – Isa pang pangunahing kalsada ang sarado ngayon sa mga malalaking truck matapos magkabitas ang bahagi nito kamakailan.
Batay sa anunsiyo ng pamahalaamg lokal at pulisya, hindi maaaring tumawid sa Ilog Baliwag Bridge na nasa tri-boundaries ng bayang ito, Guimba, at Science City of Muñoz.
“Ang Ilog Baliwag ay passable only to light vehicles, including elf truck, due to the holes in the left and right portion of the said bridge,” batay sa opisyal na pabatid.
Ayon sa isang opisyal ng bayang ito, kaagad pinayuhan ang mga malalaking truck na huwag nang dumaan sa lugar noong una pa lamang magkabutas ang tulay.
“Pero may lumulusot pa rin sa gabi kaya lumala at nagkaroon ng mas malaking butas,” ayon sa source na hindi nagpabanggit ng pangalan.
Matatandaan na una nang ipinagbawal ang pagdaan ng sobrang laki na mga truck na karaniwang kargado ng graba sa Santa Rosa Bridge sa bahagi ng Santa Rosa, Nueva Ecija – Tarlac Road dahil sa katulad na pangyayari.
Ganito rin ang naging sitwasyon sa isang tulay sa bayan ng Jaen, Nueva Ecija na ginawang alternate route ng malalaking truck matapos ang pagbabawal sa Santa Rosa.
Pinapayuhan ang mga trucker na alamin sa Department of Public Works and Highways ang mga alternatibong ruta.