Home Headlines Tulay sa bangin

Tulay sa bangin

751
0
SHARE

MULA SA kinalalagyan niyang pagdurusa, NAKITA daw ng mayaman si Lazaro na nasa kandungan ni Abraham. (Aba, bakit kaya sa kabilang buhay, NAKITA niya si Lazaro? Noong buhay pa siya dito sa mundo nandoon lang daw ang pulubi sa may tabi ng gate ng bahay niya pero parang hindi niya nakikita. Siguro, hindi naman sila talaga malayo sa isa’t isa. Pinaglalayo lang sila ng malalim na bangin.)

Balik tayo sa kabilang buhay – nagmakaawa daw ang mayaman, humihingi ng tulong kay Abraham pero ang sagot ni Abraham ay: “Anak, gusto ko mang tulungan ka hindi ko magawa. May malaking agwat sa pagitan natin na hindi pwedeng tawirin mula dito papunta diyan o mula diyan patungo dito.”

Isang palaisipan ang AGWAT na tinutukoy ni Abraham sa kuwento. Tandaan natin, ito ay isang talinghaga. Isang palaisipan, kaya pag-isipan natin ngayon nang mabuti.

Sa Filipino ang salitang AGWAT ay may kinalaman sa distansya sa pagitan ng dalawang tao, o mga grupo o mga sitwasyon. Sa mga lumang pelikulang Pilipino, madalas kong marinig ito sa mga dialogue lines ng mga bida, lalo na kapag ang magkasintahan ay magkalayo ng estado o antas ng pamumuhay. Halimbawa, isang binatang anak ng among mayaman na umiibig sa anak ng kanilang katulong. Sasabihin ng babae sa lalaki, “Imposibleng mangyari ang maging magkasintahan tayo. Langit at lupa ang agwat natin.”

Ibig sabihin “Masyadong malayo ang mga estado o katayuan natin sa lipunan.”

May agwat. At ang ginagamit na larawan ng ebanghelyo ay BANGIN. Kahit magkalapit ang dalawang mataas na lugar, kung may malalim na bangin sa pagitan nila at wala namang tulay para makatawid, malapit man malayo rin.

Katulad ng North at South Korea— dating isang bayan, nahati sa dalawa at nahiwalay sila sa isa’t isa. Nakakalipad patungong America at Europa ang mga South Koreans, pero hindi nila matawid ang 38th parallel para pumasok ng North Korea. Ganyan din ang China at Taiwan. Pinaglayo ng pulitika at ideolohiya.

Ganyan din dati sa Europa, sa pagitan ng Eastern at Western Europe. Ang dating simbolo ng agwat nila ay ang BERLIN WALL. Bumagsak ang pader na iyon noong 1989, noon din nagsimula ang pagkakawatak-watak ng dating Soviet Union. Ngayon, mukhang gustong itayong muli ng presidente ng Russia ang dating Soviet Union. Mukhang ibig niya na gumawa na naman ng isang bagong agwat o distansya. Para bang ibig niyang gawing isang malalim na hukay ang Ukraine, para wala nang muling makatatawid.

Sino ba, ayon sa kuwento ni Hesus ang gumawa ng agwat sa pagitan ng mayaman at ni Lazaro? Hindi naman sinasabi. Ito bang agwat na ito’y sa kabilang buhay lang? Balikan natin ang kuwento bago sila namatay. Si Lazaro daw ay isang pulubi na nasa may bungad lang ng bahay ng mayaman nagpapalimos. Habang nagpapasasa ang mayaman sa kabusugan, namamatay naman daw ng gutom si Lazaro. Ibig daw ni Lazaro na makiamot at kumain kahit mula lang sa mga mumo ng tira-tirang tinapay na nahuhulog mula sa mesa ng mayaman, ngunit hindi niya maabot ang mga ito. Nauunahan pa raw siya ng mga aso. Ibig sabihin may bakod sa pagitan nila. At mukhang mas mabilis makaabot sa nahuhulog na pagkain ang
mga aso, at mas mabilis ding makalusot sa bakod na iyon papunta kay Lazaro para himurin ang mga sugat niya. Ay, malapit man ay malayo rin.

Parang ganito ang punto ng ating ebanghelyo: ang mga agwat natin sa buhay dito sa mundong ibabaw ay dadalhin natin hanggang sa kabilang buhay. Magbabaligtad ang sitwasyon, pero ang agwat pareho pa rin. Ang dating walang malasakit ang siya ngayon hindi mapagmamalasakitan. Ang dating hindi namamansin ang siya ngayong hindi mapapansin. Dahil ang agwat na bunga ng kasalanan na hindi matawid dito sa daigdig ay hindi rin matatawid sa kabila.

Pero may mabuting balita. May nagtagumpay na na makatawid sa bangin na ito.

Walang iba kundi si Kristo. Hindi lang naganap ito noong siya’y muling nabuhay matapos na siya’y pinagdusa at ipinako sa krus. Sa simula pa lang, nang ang Anak ng Diyos ay nagpakumbaba at nagkatawan bilang anak ng tao, tinawid na niya ang bangin na naghihiwalay sa Diyos at tao, upang ang taong kusang lumayo sa Diyos ay maibalik niyang muli sa piling ng Diyos.

Hindi ba’t sinasabi natin sa Credo na NANAOG SIYA SA IMPYERNO? Ibig sabihin bumaba siya, tumawid, at nagtagumpay siya. Binagtas niya ang agwat upang siya mismo ang maging tulay, ang tulay ng malasakit, sa pagitan ng Diyos at sangkatauhan. Tama si Abraham, wala nga sa atin ang makatatawid sa bangin ng kasalanan at kamatayan kundi ang Diyos mismo na umako sa ating kasalanan at kamatayan.

Parang ito ang sorpresa sa wakas ng panahon, ayon sa ebanghelyo. Ang tinulungan mo ang siya palang tutulong sa iyo. Ang nagugutom na pinakain mo ang siya palang magpapakain sa iyo. Ang palaboy na pinatuloy mo ang siya palang magpapatulóy sa iyo, ang maysakit na kinalinga mo ang siya palang kakalinga sa iyo sa kabila. Siya pala ang magsisilbing tulay na mag-uugnay sa mga agwat sa daigdig.

Akala mo iniligtas mo siya, siya pala ang magliligtas sa iyo. Siya pala ang gigising sa tunay mong pagkatao na madalas pinamamanhid o pinapatay ng kawalan ng malasakit at pakialam. Kaya pala sinabi rin ni Hesus sa isa pang talinghaga ng huling paghuhukom kay San Mateo, “Ano man ang ginawa mo sa pinakahamak sa mga kapatid ko, iyan ay ginawa mo sa akin.”

(Homiliya para sa ika-26 na Linggo ng Karaniwang Panahon, 25 Setyembre 2022, LK 16:19-31)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here