Mamamayan ng San Simon labis ang PAG-AALALA
baka tuluyang MAWASAK tulay ng Sta. Monica
dahil magpahanggang ngayon ito’y DINADAANAN pa
ng mga truck na mayroong TONE-TONELADANG karga
pangamba ng karamihan baka ito ay MAGAYA
sa tulay ng Sta. Maria sa CABAGAN ISABELA
II
Bukod dito, ang HINAING ng maraming residente
ay may mga CONTAINER VAN na ring dito bumibiyahe
at dahil sa matataas ay may mga insidentte
na sumasabit kung minsan sa nakalaylay na KABLE
maaring pagmulan ng MALAGIM na aksidente
kapag mayrong nalagot sa mga kawad ng KURYENTE
III
Ilan bang TONELADA ang kapasidad nitong tulay?
wala namang IMPORMASYON na dito ay nakalagay
ang pagkakayari nito ay gaano ba KATIBAY?
upang tayo’y makatiyak na hindi basta BIBIGAY
lalo sa mga TRAILER TRUCK na ang biyahe’y walang humpay
at dito rin dumadaan sa tuwing sila’y naglalakbay
IV
Ang nakapagtataka’y bakit walang ginagawang AKSIYON
ang PAMAHALANG LOKAL sa may bayan ng San Simon
di ba dapat noon pa man tinalakay na sa sesyon?
upang ito ay magawan ng agarang RESOLUSYON
kailangan ay kumilos na SANGGUNIANG BAYAN ngayon
bago mahuli ang lahat habang mayron pang PANAHON
V
Lalo ngayon, malapit na naman ang PANGANGAMPANYA
na kung saan ang lahat ay pawang magiging ABALA
paano pag-uusapan ang solusyon sa PROBLEMA?
kung ang inaatupag ay pamimigay ng AYUDA
kailan pa sila kikilos upang ito’y MARESOLBA?
kapag wasak na ng tulay at di na MADAANAN PA?
VI
Ang PANGANGAMPANYA’y hindi na kasama sa trabaho
lalo na sa pulitikong AKTIBO pa sa serbisyo
pribado mang manggagawa o KAWANI ng gobyerno
ayon na rin sa pahayag ng batikang ABOGADO
kayat walang dahilan na hindi magsipagtrabaho
mga nasa katungkulan na muling kumandidato
VII
Kapakanan ng SIMONIANS muna ang bigyan ng pansin
ang PANSARILING INTEREST ay hindi dapat unahin
truck ng NEW HOPE at ng 4B wag na munang padaanin
kung di rin lamang six-wheeler ang sasakyang gagamitin
tulay ng STA. MONICA nararapat pagyamanin
dahil ang ginastos dito ay galing sa BUWIS natin