CABANATUAN CITY – Nagsisimula nang bumaba sa critical level ang imbak na tubig sa Pantabangan Dam, ang nagbibigay ng tubig irigasyon sa mahigit 100,000 ektarya ng palayan sa Nueva Ecija at bahagi ng Pampanga, Tarlac at Bulacan.
Sinabi ni Engr. Josephine Salazar, operations manager ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System, na ang tubig sa dam ay mas mababa na kaysa sa 187.05 meters na naitala ng tanggapan sa katulad na panahon noong 2013.
Ang tubig sa Pantabangan Dam ay tinatayang babagsak sa 181.19 meters sa pagtatapos ng buwang ito, mas mataas na lamang ng ilang metro sa 172 meters na itinuturing na critical level. Ani Salazar, ang mabilis na pagbaba ng tubig sa dam ay posibleng dulot ng climate change, mataas na temperatura at karagdagang service area o pinatutubigang lupa.
Ipinaliwanag ng opisyal na ngayong taon ay nagtakda ang NIA-UPRIIS ng patutubigan na 114,025 ektarya, mas mataas ng 2,772 ektarya sa 111,253 noong 2013. Pero walang dapat ipangamba sa pagbaba ng imbak na ito, ani Salazar, dahil naka-programa na ang mga hakbang ng kanilang ahensiya.
“The dam can manage all irrigated areas until the end of May and farmers are advised to maximize the use of water from the dam,”sabi ni Salazar.