ANG ATING Salmong Tugunan ang pinagkuhanan ko ng inspirasyon para sa homiliyang ito. “Puso ay huwag patigasin kapag inyong narinig ang kanyang tinig.”
Dahil daw sa gutom at uhaw na pinagdaanan nila sa disyerto, parang naging mistulang mga bato ang mga puso ng bayang Israel. Pati itong si Moises parang hindi na rin niya matiis ang kanilang mga reklamo sa kanya. Pero, kahit na nasubok din ang pasensya ng Diyos sa kanila, hindi pa rin niya sila sinukuan. Pinaakyat daw ng Panginoon sa Bundok ng Horeb si Moises at doon, inutusan siyang paluin ang isang bato, gamit ang kanyang tungkod na pampastol. At mula sa bato, dumaloy daw ang tubig na pumawi sa uhaw ng mga Israelita.
Sa ikalawang pagbasa, sabi ni San Pablo, “Ang pag-ibig ng Diyos ay dumaloy at bumuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santong kaloob sa atin.”
Magandang paglalarawan ito ng nangyari naman sa Babaeng Samaritana sa ating binasang ebanghelyo. Noong una, matigas din na parang bato ang kanyang puso. Maramot ang dating, ayaw magpainom. Ang punto niya:
“Ba’t ka makikiinom mula sa timba ko? Di ba Hudyo ka at Samaritana ako? Di ba marumi kami para sa inyo? At siguro, kung alam mo lang kung sino ako, baka tinakbuhan mo na ako kanina pa. Marumi, hindi lang ang timba ko, kundi ang aking mismong pagkatao. Pinagsawaan na ako ng limang lalaki at may kinakasama ako ngayon na hindi ko asawa.”
Kaya pala siya umiigib nang tanghaling tapat, sawa na siyang pinagpipiyestahan ng mga tismoso at intrigero. Pero kumbaga sa matigas na bato, para siyang hinampas ng tungkod ng pastol habang kausap si Hesus at siya’y natauhan. Itong taong nakikiinom sa kanya ang siyang biglang nag-alok sa kanya ng kakaibang klaseng inumin mula sa tubig na buhay. Parang naramdaman niya na kahit pinakasara-sara na niya ang puso niya, nababasa pa rin nitong taong ito na nasa harapan niya, pati ang kaloob-looban niya.
Para siyang batong hinampas at biglang dinaluyan ng tubig na buhay, tuloy iniwan ang dala niyang mga banga at bumalik sa bayan na may matinding pagkasabik na maipakilala sa kanyang mga kababayan sa Samaria itong natuklasan niyang sibol ng tubig na buhay na higit pa sa balon ni Jacob.
Sa bandang huli, parang bumaligtad ang sitwasyon: ang nauuhaw na nakikiinom ang siyang pumawi sa kanyang sariling pagkauhaw at nagpainom sa kanya. At ang tinanggap niyang tubig ay dumaloy mula sa kanya na parang bukal.
Ito ang pinaghahandaan natin sa kuwaresma—ang pagdaloy ng biyayang dulot ng pagdurusa, kamatayan at pagkabuhay ni Kristo. Kaya nga 3 O’clock Prayer ng Divine Mercy, sinasabi natin, “Pumanaw ka Hesus, subalit ang bukal ng buhay ay bumalong para sa mga kaluluwa at ang karagatan ng awa ay bumugso para sa sanlibutan. O Bukal ng buhay, walang hanggang awa ng Diyos, yakapin mo ang sangkatauhan at ibuhos mong ganap ang iyong sarili para sa aming lahat.”
Marami na akong nakitang mga taong—dahil sa masasakit at masasaklap na karanasan ay para bang nanigas na ang puso, sarado na ang kalooban. Ito ang pinagmumulan ng lahat ng hidwaan na nauuwi sa mga digmaan, katulad ng nagaganap sa kasalukuyan sa Middle East. Ganito ang nangyayari sa mga tao dahil sa pagkadala, sa mga naging biktima ng kalupitan at karahasan, na nawalan na ng tiwala sa likas na kabutihan ng kapwa. Minsan kailangan nilang maranasan ang hampas ng tungkod ng Diyos na Pastol upang mahimasmasan.
Sa mga nag-aakalang wala na silang pag-asa, na imposible na ang kaligtasan para sa kanila dahil sila ay makasalanan at walang hinihintay, parang matinding dagok nga naman ang larawan ng Diyos na nakapako sa krus. Hindi naniningil ng dugo kundi nagbubuhos ng sariling dugo. Hindi nanananakot ng parusang impyerno kundi nag-aalay ng sarili bilang pantubos. Siya lang ang makapagpapatigil sa mga armas ng galit at paghihiganti ng mga pusong pinatigas ng karahasan. Siya ang magbubukas sa pinto ng langit at magsasabing, tuloy ka, uminom ka mula sa sibol ng walang hanggang pag-ibig ng Diyos.
(Homiliya para sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma, 8 Marso 2026, Juan 4:5-



