Tubig di pa mauubos, ngunit tiyak na tataas ang presyo

    484
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS—Hindi pa mauubusan ng tubig inumin ang Pilipinas sa susunod na 40 taon ayon sa isang dalubhasa bilang tugon sa ilang negatibong pahayag.

    Ngunit tiniyak din niya na magkakaroon ng kakulangan sa suplay ng tubig sa ibat-ibang lugar ng bansa, at ito ay magdudulot ng mataas na presyo ng tubig na pinadadaloy.

    Ayon kay Dr. Carlos Primo David ng National Institute of Geological Science ng University of the Philippines (NIGS-UP), may tubig pang maiinom sa bansa hanggang 2050.

    Sa kanyang pahayag sa mga lumahok sa taunang Philippine Science Journalists Association (Pscijourn) Congress na isinagawa sa SM Mall of Asia noong Biyernes, sinabi ng dalubha na bilang isang tropical country, ang bansa ay napapaligiran ng tubig.

    Ngunit binigyang diin niya na dahil sa patuloy at di mapigilang epekto ng climate change, magraranasan ang kakapusan ng tubig partikular na sa mga lugar na walang water district o nagpapadaloy ng tubig.

    “With scarcity of water, we can always expect that water distribution rates in the country will go higher than we have today,” ani David na ang pamilya ay nagmula sa lalawigan ng Pampanga.

    Sa kasalukuyan, mas maraming bayan sa mga lalawigan ay siniserbisyuhan ng mga water district na siyang nagpapadaloy ng tubig sa mga tahanan.

    Ang mga nasabing water district ay karaniwan namang nakadepende sa tubig mula sa ilalim ng lupa o ground water.

    Ayon kay David, maaapektuhan ng climate change ang serbisyo ng mga water district dahil batay sa kanilang pagtaya, malaki ang mababawas sa pag-ulan sa mga pangunahing lungsod at lalawigan sa bansa hanggang 2020.

    Ang 10 pangunahing lalawigan na inaasahang makakaranas ng kakulangan sa pag-ulan sa mga susunod na taon ay ang Cavite na makakaranas ng kabawasan o -18.6 porsyento ng ulan.

    Kasunod ang Agusan Del Norte (-18), Metro Manila
    (-17.8), Bulacan (-16.4), Rizal (15.4), Surigao Del Norte
    (-14.8), Laguna (-14.3), Agusan Del Sur (-14.3), Surigao Del Sur (-13.7), at ang Bukidnon
    (-12.5).

    “Decrease in rainfall will result in scarcity of water and then we will have high water distribution rates,” ani David.

    Hinggil naman sa presyo ng tubig na pinadadaloy ng mga water district, sinabi niya na batay sa kanyang pag-aaral, may mga water district na sumisingil ng P50 sa unang 10 kubiko metro ng tubig, at mayroon namang sumisingil na ng P300 sa unang 10 kubiko metro.

    Nilinaw niya na ang isang kubiko metro ay nalos nakakasinglaki ng isang balikabayan box.

    “Usually, we don’t notice water rates because we are able to cook, take a bath and clean our house with what we have, hence we don’t pay much attention to it,” ani ng dalubhasa.

    Hinggil naman sa pagtaas ng presyo ng tubig na pinadadaloy ng mga water district, sinabi ni David na isa sa nagiging dahilan nito ay ang di maayos na pamamahala.

    Gayunpaman, inihalimbawa niya ang mga water district sa bayan ng Plaridel at Hagonoy dahil sa natatanging pamamahala ng mga ito na nagbunga ng mababang presyo ng tubig,

    Hinggil naman sa hinaharap ng pamamahala sa tubig sa bansa, sinabi ni Davi na sa kasalukuyan ay halos basag-basag pa ito dahil sa walang iisang ahensya na namamahala sa tubig.

    Ayon kay David ang mga ahensiyang may kinalaman sa pamamahala sa tubig sa bansa ay ang National Water Resource Board (NWRB), Local Water Utilities Administration (LWUA), Bureau of Soils and Water Management (BSWM) ng Department of Agriculture, Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (Pagasa), UP-NIGS, National Statistics Office (NSO), at ang National Mapping and Resource Information Authority (Namria).

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here