LUNGSOD NG OLONGAPO – Patay ang isang trailer truck driver, samantalang malubha sa pagamutan ang anak nitong pahinante matapos tumaob ang minamanehong truck na naglalaman ng beer habang binabagtas ang kahabaan ng Gapan-Olongapo Road, Barangay Old Cabalan sa lungsod na ito nitong Lunes, June 27.
Batay sa kuha sa mga footage sa CCTV at mga post sa social media, pinag-piyestahan ng publiko ang mga kumalat na sangkaterbang bote ng beer mula sa
bumaligtad na trailer truck.
Sa imbestigasyon ng city police traffic division, kinilala ni Cpl. Mark Joseph Lising ang namatay na driver na si Roberto Mabini y Hular, 59, Barangay Hulo, San Isidro, Nueva Ecija. Dead-on-arrival sa James Gordon Memorial Hospital ang biktima.
Malubha naman at kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan ang kalagayan ng pahinanteng si Gilbert Mabini y Sisante, 26, anak ng nasawing driver. Ayon sa ulat, patungo ng Olongapo ang trailer truck nang mawalan ito ng kontrol ng driver na siyang dahilan ng aksidente. Inararo din ng trailer tuck ang dalawa pang nakaparadang motorsiklo sa gilid ng kalsada.
Dahil dito, nagkaroon ng masikip ng daloy ng trapiko sa lugar sa mga sasakyan papasok ng Olongapo kung kaya ang ilan dito ay sa loob ng Subic Freeport pinadaan.
Matrapik pa rin sa lugar ng aksidente dahil "one lane" pa rin ang kalsada papasok at papalabas ng Olongapo. (JOHNNY R. REBLANDO)