Home Headlines Truck nahulog sa bangin, 2 sugatan

Truck nahulog sa bangin, 2 sugatan

822
0
SHARE

MARIVELES, Bataan — Dalawa ang sugatan samantalang dalawang bahay ang nasira nang mahulog sa bangin ang isang dump truck habang bumubulusok sa bahagi ng bypass road sa bayang ito Huwebes ng umaga.

Papuntang kabayanan ng Mariveles ang sasakyan nang sa hindi pa malamang dahilan ay sinuyod nito  ang mga punong kahoy papunta sa mga kabahayan sa ilalim ng bangin sa Barangay Sisiman sa bayang ito.

Napigil ang mabilis na pagdausdos ng trak nang masangga na ito sa dalawang bahay na nawasak ang mga kisame, cabinet, dining area at mga kagamitan sa kusina.

Sinabi ni Sisiman barangay tanod Valentin Perez na agad sumaklolo ang mga tauhan ng Mariveles rescue at isinugod sa malapit na ospital ang driver ng dump truck na si Daniel Tapalla at pahinanteng si Joey Reyes.

Ang pahinante, aniya, ay may sugat sa binti samantalang ang driver ay sugatan sa noo ngunit pareho namang hindi grabe ang tama bagama’t parehong nanghihina at nahihilo.

Ayon kay Mark Oliver Callado, isa sa mga may-ari ng bahay na nasira, mabuti na lamang at tapos na silang magluto kaya walang sinomang nasaktan sa kanila.  Ang mga Callado ay nasa catering business at malaking epekto raw sa kanilang trabaho ang nangyari.

“Nakarinig kami ng sobrang lakas ng ugong magmula sa itaas ng highway at habang sinisira ang bakod namin ay maingay ang sasakyan sa pagtama sa mga punong malalaki,” sabi ni Callado.

Nasa terrace umano silang lahat nang mangyari ang aksidente. “Napatakbo kami sa sobrang kaba at agad hinanap namin ang mga batang  maliliit na kasama namin sa bahay,” dagdag ni Callado.

Sinabi naman ni Brylle Callado, isa pa sa mga may-ari ng bahay, na paakyat sila ng kanyang pamangkin papunta sa kanilang garahe na nasa itaas sa tabi ng kalsada. Nakita na lamang umano niyang mabilis ang trak papunta sa kanilang direksiyon.

“Hinila ko ang aking pamangkin para hindi tamaan at natulala na lamang kami sa nangyari. Malakas ang ugong! Sobrang bilis talaga, as in mabilis talaga. Matulin!,” sabi ni Bylle.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here