DILG, naglabas ng mahigpit na kautusan,
na ating tinitiyak na di pabor ang karamihan,
partikular na ang mga maralitang mamamayan,
dahil sila itong una at direktang tatamaan
Nakasaad sa utos ang pagbabawal sa tricycle
na ‘yan ay makabagtas pa sa mga ‘national hi-way’;
kanya-kanya ng pananaw dito ang mga ‘netizen’
may sang-ayon, may tutol at ang iba ay walang keber
Ang mga ‘tricycle drivers’ wala na raw kikitain
kung sa naturang kalsada ay bawal ng paraanin;
sa ganitong pangyayari lahat sila’y naninimdim
dahil walang ibang daan nga naman pang tatahakin.
Halimbawa, meron silang pasaherong ihahatid
sa karatig na barangay, malayo man o malapit,
kung wala ng ibang daan upang ito ay masapit
kundi ang national hi-way, paano maihahatid?
Isa pang hinaing nila, ‘tricycle’ ay rehistrado
at may mga prangkisa rin na galing sa munisipyo
alinsunod sa batas at panuntunang pang-trapiko,
at buong ingat din naman kung sila ay magmaneho.
Katwiran ng DILG, ‘tricycle’ daw ang dahilan
ng maraming aksidenteng nagaganap sa lansangan;
ang ganitong akusasyon , tila hindi makatwiran
pagkat walang sinumang sa sakuna may kagustuhan.
Isa pang dahilan nila, ‘tricycle’ daw ay balakid
sa mga ‘national hi-way’ kaya sila naghihigpit;
mas sagabal pa nga minsan, pampasaherong bus at jeep,
kung magbaba at magsakay, hindi man lang gumigilid.
Aksidente sa lansangan, ang tanging masasabi ko
ay dahil sa mga drayber, na may pagka-abusado
parang walang kamatayan kung sila ay magmaneho,
singit dito, singit doon, lusot doon, lusot dito.
Ang kalsada ay ginawa upang ito’y madaanan
ng kahit pa anong uri ng sasakyang pang-katihan
at kahit na sinong tao, mahirap man o mayaman
ay mayroong karapatan, na magamit ang lansangan
Lahat na ay nagbabayad din ng kaukulang buwis
hindi lang ang masalaping sasakyan ay mga four wheels;
ang batas na itinakda ay tahasang panggigipit
sa karapatan lalo na nitong mga anak-pawis.
Kung nais ng DILG na maibsan ang sakuna
sa mga ‘national hi-way,’ ba’t di na lang isagawa
na hulihin ang ‘tricycle’ na lilinya sa kaliwa,
maliban lang kung ito ay liliko ng pakaliwa.
Mabuti ang pakay nila, ngunit di pa nararapat
na agarang pairalin ang naisip nilang batas,
gawan muna ang ‘tricycle’ ng sarili nilang landas
bago ang nais mangyari, ganap nilang maipatupad.
At dahil lubhang marami ang pamilyang magugutom,
na ang ikinabubuhay nila’y tanging pagmomotor,
hayop man kapag kumalam ang sikmura siguradong
kahit pa man ya’y maamo, nagiging asal simaron!
Vhelle Viray Garcia
March 2, 2020
United Arab Emirates