Home Headlines TRB suportado ang pagtatayo ng elevated NLEX Bocaue-Balintawak

TRB suportado ang pagtatayo ng elevated NLEX Bocaue-Balintawak

327
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nagpahayag ng suporta ang Toll Regulatory Board (TRB) sa proyektong NLEX Air na itatayong elevated toll road sa ibabaw ng North Luzon Expressway mula sa bahagi ng Tambubong sa Bocaue, Bulacan hanggang sa Balintawak sa lungsod ng Caloocan.

Ayon kay TRB Executive Director Alvin Carullo, dapat matuloy na ang matagal nang planong ito upang tuluyan nang maresolba ang sumisikip na daloy ng trapiko sa 17-kilometrong bahagi ng NLEX mula sa Bocaue hanggang sa Balintawak, lalung lalo na sa mga dinadaanan nitong exits sa Marilao at Meycauayan.

Handa aniya ang TRB na agad na maisakatuparan ito alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang mga proyekto na gagamitan ng sistemang Built-Operate-Transfer na isang mekanismo ng Public-Private Partnership (PPP), sa bisa ng PPP Code of the Philippines na nilagdaan ng Pangulo bilang Republic Act 11966.

Pangunahing probisyon ng PPP Code ang pagkakaroon ng partikular na durasyon at palugit ang dapat na masunod sa pagpapatayo ng mga proyektong imprastraktura mula sa pagsusuri, pag-aapruba, pagpopondo, konstruksiyon, pagbubukas at sa magiging operasyon.

Ito’y upang hindi na maulit ang mga nakaraang nangyayari sa mga PPP projects na inaabot ng mga taon o dekada bago matuloy o matapos.

Makikita sa larawan ang Tambubong section ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Bocaue, Bulacan kung saan planong simulan ang pagtatayo para sa proyektong NLEX Air na isang 17-kilometrong elevated expressway hanggang sa Balintawak sa lungsod ng Caloocan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Isa ang proyektong NLEX Air sa mga big-ticket project na unang isasakatuparan sa pag-iral ng Republic Act 11966 mula nang ganap na maging batas ito noong Disyembre 2023.

Base sa inisyal na pagtataya ng NLEX Corporation, aabot sa P70 bilyon ang halaga ng proyekto.

Ipinaliwanag naman ni NLEX Corporation Project Development Office Head Vik Apuzen na ang elevated NLEX Air ay idinisenyo para sa mga sasakyan na diretso ang biyahe mula sa Balintawak hanggang Bocaue o pabalik.

Ang gagawing elevated o nakataas na toll road ay hindi lalagyan ng exit ramps sa Mindanao Avenue, Valenzuela, Meycauayan, Marilao at Bocaue kung saan mayroong mga exits sa kasalukuyan ang NLEX.

Ito’y upang makaiwas sa trapiko sa ilalim ang mga dadaan sa magiging ibabaw ng NLEX Air. Magkakaroon ito ng anim na linya o tig-tatlong linya sa magkabilang panig.

Magsisimulang umakyat ang rampa ng proyektong NLEX Air bago dumating sa Bocaue toll barrier o partikular sa bahagi ng Tambubong.

Kasalukuyan namang nirerepaso ang posibilidad na maikabit ito sa Skyway Stage 3 sa Balintawak o magkaroon ng pababang rampa sa mismong at-grade road ng NLEX sa nasabing lugar.

Target itong itayo at matapos sa susunod na dalawa hanggang tatlong taon. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here