Home Headlines Tourism recovery sa Bulacan, umaangat na sa 35%

Tourism recovery sa Bulacan, umaangat na sa 35%

574
0
SHARE
Nakakabalik na sa dating sigla ang turismo ng Bulacan na sinisimbulo ng muling pagdadaos ng Bulacan Travel Mart kaugnay ng isang linggong pagdiriwang ng Singkaban Festival. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Unti-unti nang nakakabangon ang industriya ng turismo sa Bulacan mula nang tumama ang pandemya noong 2020.

Patunay dito ang muling pagdadaos ng Bulacan Travel Mart bilang bahagi ng isang linggong pagdiriwang ng Singkaban Festival.

Ayon kay Bulacan Association of Travel Agencies Chairperson Evangeline Buenaventura, layunin nito na muling ialok ang mga tourism packages sa lalawigan na dalawang taon na naisara.

Umangat na aniya sa 35 porsyento nang nakakabawi ang industriya ng turismo sa Bulacan mula sa zero.

Nasa 38 na mga travel agencies sa Bulacan ang ngayo’y fully operational na.

Mula sa zero noong kasagsagan ng pagtama ng pandemya, nakakapagbenta na ng 15 na mga plane tickets sa kada isang flights ng eroplano habang nasa 2,500 na mga indibidwal ang nakakabili na ng mga tour packages kada buwan.

Base sa tala ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office o PHACTO, may kabuuang 1,554,495 milyong mga turista ang bumisita sa Bulacan noong 2021.

Sa loob ng nasabing bilang, 1,548,644 ang mga lokal na mga turista habang 5,851 ang mga banyaga.

Ipinaliwanag ni PHACTO Head Eliseo Dela Cruz, bunsod ito ng 100% vaccination rate ng nasa 1,470 na mga tourism workers kaya’t muling nagbukas ang nasa 65 na mga establisemento.

Kinabibilangan ito ng apat na hotel, 14 na resort, dalawang apartment hotel at 45 na homestay facilities na may kabuuang 1,627 kwarto. Iba pa rito ang pagbabalik-sigla ng nasa 14 na mga farm tourism sites.

Ang turismo sa Bulacan ay isang dalawang bilyong pisong halagang industriya na inaasahan ng nasa isang libong mga Bulakenyo para sa kanilang kabuhayan.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Dela Cruz na nakatakda nang lagyan ng Quick Response o QR Code ang bawat brochures na isa sa mga materyales ng tourism promotions.

Nirerepaso na rin aniya ang paglalatag ng isang bagong Tourism Capacity Building Program bilang bahagi ng magiging bagong Provincial Tourism Development Plan.

Kinapapalooban ito ng Filipino Brand of Service Excellence, product development training, tourism awareness seminar, tourism reception and guiding techniques, protocol and social graces, urban planning and edible landscaping, intelligent reopening of domestic tourism, training in homestays, seminar on assisting persons with disability, infection prevention and control, seminar on disaster risk reduction management, food safety and sanitation, refresher course for tour guides at ecotour guides training.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here