BOCAUE, Bulacan (PIA) – Magpapatupad ng total truck ban ang pamahalaang bayan ng Bocaue sa lahat ng national at provincial roads na sakop nito.
Ito ay upang mabawasan ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa Biyernes, Agosto 25 sa opening ceremony at unang laro ng 2023 FIBA Basketball World Cup na gaganapin sa Philippine Arena.
Ayon kay Bocaue Mayor Jonjon Villanueva, partikular na apektado rito ang bahagi ng Manila North Road o Mac Arthur Highway sa Binang 1st; Bocaue-Santa Maria Bypass Road; Ciudad de Victoria Interchange ng North Luzon Expressway o NLEX; Governor Fortunato Halili Avenue; at mga kalsada sa loob ng mga barangay ng Bunducan, Duhat, Caingin, Taal, at Tambubong.
Kaugnay nito, naglabas ng traffic advisory ang NLEX Corporation para sa paggamit ng mga alternatibong ruta sa entry at exit points sa Marilao at Tambubong.
Ayon kay NLEX Corporation Traffic Operations Department Head Robin Ignacio, ipapatupad din ang 100% Radio Frequency Identification o RFID sa mga toll plaza ng Ciudad de Victoria Interchange.
Samantala, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board Administrative Officer Malou Tolentino na may 53 Premium Point-to-Point o P2P shuttle buses ang binigyan nila ng special permit upang makabiyahe papuntang Bocaue.
Magbibigay ang mga P2P buses ng Victory Liner Inc. at Genesis Bus Transport Service Inc. ng libreng sakay sa mga manonood sa nasabing international sports event.
Magmumula ang mga ito sa 12 itinalagang P2P terminals sa SM City Baliwag, Cloverleaf Ayala Mall sa Balintawak, Trinoma at SM North EDSA, at Araneta City sa Cubao.
Mayroon din sa SM Megamall; Market-Market sa Bonifacio Global City; One Ayala sa EDSA-Ayala station ng Metro Rail Transit o MRT 3; SM Mall of Asia; at Paranaque Integrated Terminal Exchange.
Iba pa rito ang mga P2P na magmumula sa SM City Pampanga at SM City Clark.
Magsisimula ang mga biyahe nito sa Agosto 25 mula alas-11 ng umaga na may tig-30 minutong interval.
Ibababa ang mga pasahero sa North Luzon Express Terminal o NLET na nasa likod ng Philippine Arena.
Isasara ang NLEX-Ciudad de Victoria Interchange sa ganap na alas-5:30 ng hapon ng Agosto 25.
Samantala, kapag tapos na ang opening ceremony at unang laro sa Philippine Arena, sa NLET pa rin maghihintay ang mga P2P shuttle buses upang ihatid pabalik sa kanilang mga pinaggalingang terminal ang mga nagsipanood. (MJSC/SFV-PIA 3)