Home Opinion Total ban na nga ba?

Total ban na nga ba?

815
0
SHARE

BAGO pa sumapit ang takdang panahon
ng pagsalubong sa pagpapalit taon,
may mga kaso na riyan na naputol
ang daliri dahil lang sa rebentador,

Na nasabugan ng mga matataas
na klaseng paputok na sobra kalakas,
kaya itong iba na sobrang minalas,
di lang daliri n’yan ang halos mawarak.

Di na mabilang ang disgrasya sa ganyang
uri ng paputok, na batid na nilang
bawal at posibleng ikapahamak lang
ang ganito pero yan ba’y tinantanan?

At kahit batid na ng nakararami,
na pagtatapon lang ng salapi pati
itong de pulbura nilang binibili,
yan ba’y huminto sa patagong pagbili?

Gayong wala naman silang mapapala
sa paputok kundi disgrasya, kaipala
kapag nagkataong ya’y sumabog bigla
habang tangan, at malamyak ang pag-itsa.

Aywan lang kung bakit ang gumagawa n’yan
at nagbebenta ay di pa rin tigilan
ang patagong pag-manufacture’ ng ganyang
klase ng paputok na alam nang bawal.

Sila ba ay di man lang nakokonsensya
sa di na mabilang na nangadisgrasya
nating kababayan sa negosyo nila,
kung saan tama at tumatabo sila

Ng malaking kita, pero sa kabila
riyan nang patuloy na pananagana,
may mga biktima na napipinsala
sa negosyo nilang di patas ika nga.

Kaya panahon na marahil, kabayan
upang ipag-utos na ng Malakanyang
ang pagpapatigil, (kundi man total ban
ng lahat) pero ang maiwan pili lang

Kasama sa dapat ibenta ‘in public’
ay itong pailaw na di mapanganib,
kabilang na r’yan pailaw na lusis
at kwitis, pero sa bata ay ‘off limits’/

Ang torotot base sa napabalita
ay hindi rin ligtas ibigay sa bata
dahil umano sa sangkap sa pag-gawa
nito ayon sa ‘ting mga dalubhasa.

Kung gayon ano lang ang puwedeng gamitin
kundi ng kaldero at ‘kitchen utensils’
na kalampagin man nating walang tigil
di magdudulot ng disgrasya sa atin.

At ang taon-taon nating pagsalubong
sa pagpalit ng luma at bagong taon,
di na maulit pa ang kagaya nitong
may napinsala sa nakaraang taon.

Sana maging aral na sa ating lahat
itong bago pa man sumapit ang Christmas,
may mga kaso na ngang napahamak
nitong 2018, taong nakalipas.

Sanhi na rin nitong paulit-ulit man
yatang makakita ng kapinsalaan
sa iba, ang higit nakararami riyan,
ang lahat ay tila bale-wala lamang.

Bunsod na rin nitong ang tigas ng ulo
ay karaniwan sa ibang Pilipino,
kung kaya bawal man sige pa rin ito
sa pag-gawa r’yan ng bagay na di wasto?!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here