SERYOSO naming tinanong si Toni kung wala pa ba talagang wedding plans since we remember few years ago na sinabi niyang three years pa raw bago sila pakasal at parang ito na ’yung panahong ’yun.
“Kaya nga ayoko nang magplano. Sabi ng daddy ko, ‘ayan kasi, plano ka nang plano sa sarili mo.’ Akala ko kasi, pagdating ko ng 28, 29, 30, akala ko sobrang tanda ko na. Pagdating mo pala ng 28, ang bata mo pa rin, so sabi ko, ‘ano ba tong pinagsasasabi ko noon?’ Akala ko ang tanda ko na. Kaya ako na nagsabi.”
Ngayong June daw ang anniversary month nila at six years na sila ni Direk. Wala pa raw talagang wedding plans at say naman daw ng mommy niya, ang pag-aasawa raw ay hindi pinaplano at dumarating na lang. So, hinihintay na lang daw niyang dumating.
Kahit 6 years na sila ni Direk Paul ay marami pa rin silang restrictions. Up to now ay hindi pa pala sila allowed na lumabas ng bansa nang sila lang.
“Napagod na rin akong magpaalam. Nag-attempt na rin ako minsan, nabigo lang ako. Sabi kasi ng mommy ko, kapag kasal na kami, malaya na raw kaming mag-travel, gawin ang lahat ng gusto namin. Pero hangga’t umuuwi daw ako sa bahay ng mommy at daddy ko, kailangan ko raw makinig sa batas nila.”
Tagaytay pa lang daw yata ang pinakamalayo nilang narating. Puwede raw silang lumayo basta’t kasama ang parents niya.
Sa anniversary nila ay wala pa raw silang plano at hindi niya rin alam kung ano ang ibibigay niyang gift. Baka raw time na lang ang ibigay niya.
“Bibigyan ko siya ng oras para naman magkasama kami,” say niya.