PANDI, Bulacan — Ipinagkaloob na ng National Housing Authority (NHA) sa mga tumiwalag na miyembro ng Kadamay ang mga sertipikasyon para sa mga kwalipikadong benipisyaryong miyembro para makapagpakabit ng linya ng kuryente.
Una dito ay kinasuhan din ng mga tumiwalag na grupo ang 17 opisyal ng Kadamay ng kasong “Grave Threat.”
Nasa 163 na pamilya ang pinagkalooban ng sertipikasyon na pawang mga tumiwalag na miyembro ng Kadamay mula sa Pandi Heights BJMP-PNP housing sa bayan ng Pandi.
Sila ngayon ay pawang mga kwalipikadong benipisyaryo na naunang na-validate na ng NHA.
Bukod sa sertipikasyon ay libre na din ang pagpapakabit ng kuryente na kasama na rin sa package na ibinigay ng ahensiya.
Ang bahay naman ay nagkakahalaga ng P175,000 kada unit na babayaran sa loob ng 30 taon.
Sa unang taon ay hindi na muna nila huhulugan ngunit sa ikalawang taon na magbabayad ng P200 kada buwan.
Ipinagbabawal din ng ahensya na ibenta ang unit na makukuha.
Ayon kay Jeff Aris, pangulo ng tumiwalag sa grupo ng Kadamay, natutuwa sila na kung noong nasa Maynila sila ay nakakaupa sila ng P2,500 kada buwan habang dito sa pabahay ay nasa P200 lamang at magiging pag-aari pa nila.
Para naman kay Jimmy Maloloy-on nakatutuwa na magkakaroon na siya ng bahay kung kayat laking pasasalamat niya sa NHA dahil sa pagkakaloob sa kanila nito.
Hinikayat din niya ang mga nananatiling miyembro ng Kadmay na tumiwalag na rin dahil mas nakatulong pa ang pagkalas sa grupo upang magkabahay.
Samantala, nagsampa naman ng kasong Grave Threat ang mga tumiwalag na miyembro ng Kadamay laban sa 17 lider ng grupo.
Ang kaso ay isinampa sa Bulacan Prosecutors Office matapos daw na pagbantaan ang kanilang mga buhay kung hindi aabandunahin sa lalong madaling panahon ang mga inokupang pabahay sa Pandi gayong hindi na sila miyembro ng Kadamay.
Ayon sa mga nagrereklamo, natatakot na sila sa kanilang seguridad dahil sa patuloy na panghaharass at pagbabanta sa kanila ng hiniwalayang grupo.
Matatandaan din na nauna nang itinanggi ni Pat Tupaz, chairperson ng Kadamay Bulacan chapter, ang mga alegasyon ng mga nagrereklamo.
Aniya malaya ang bawat isa sa kanila na ihayag ang mga karapatan ngunit iginiit na walang harrasment na ginagawa ang Kadamay laban sa break-away group.