ORANI, Bataan- Namatay sa maraming taga at saksak ang isang guro na hinihinalang pinagtangkaang pagsamantalahan ngunit nanlaban sa kanilang tahanan sa baying ito Miyerkules ng gabi.
Sinabi ni Liza Francisco na nakitang nakabulagta sa kusina ng bahay ang kanyang pamangking si Lailani Diego, 28, na tanggal ang shorts at naka-panty na lamang. “Nanlaban ang pamangkin ko at nang makita siguro ni Amos ang itak, pinagtataga ito,” sabi ng tiyahin. Si Diego ay isang public school teacher sa Dona Elementary School sa Orani.
Ang Amos na binabanggit ay napag-alaman sa pulisya ng Orani na si Amos Villamor na nakulong ng ilang buwan dahil diumano sa pananakit sa isang kapatid nito. Tulad ng biktima, sa barangay Dona rin ito nakatira.
Tumakas ito at kasalukuyang tinutugis ng pulisya. Maraming sugat sa dalawang kamay, iba’t-ibang bahagi ng katawan at may hiwa sa leeg ang biktima batay sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives.
Ayon kay Angelo “Anjo” Diego, nakababatang kapatid ng biktima, naki- charge sa kanilang bahay ng cellphone ang suspect bandang alas-6:30 ng gabi. Lumabas umano siya at sinamahan pa siya ni Amos upang bumili ng softdrinks.
Hindi na aniya bumaba sa tindahan si Amos at iniwan siya. Pagbalik umano niya sa kanilang bahay, nakarinig siya ng malakas na sigawan at pagpasok niya ay inabutan niyang sinasaksak ng suspek ang kanyang ate.
“Nagtakbuhan kami ng tiyahin ko dahil baka kami idamay,” sabi ni Anjo. Si Anjo at isang tiyahin ang kasama ng biktima sa bahay. Sinabi nina Lourdes Roqui, barangay secretary ng Dona, na inabutan nilang naliligo sa dugo ang guro at tinangka sana nilang itakbo sa ospital ngunit wala na itong buhay.
Ayon kina Roqui at Francisco, si Amos at halos buong pamilya nito ay sa bahay ng guro madalas kumakain.
“Pinagpala ang mag-aanak ni Amos ng pamilya Diego,” sabi ng dalawa. Sinabi naman ni Eddie Castro, asawa ng biktima, na wala siya sa bahay nang mangyari ang krimen. “Nagtataka ako kung bakit hindi siya sumasagot sa tawag sa cellphone ng aking pamangkin kaya pala patay na siya,” sabi ng lalaki na isang public school
teacher din sa Dinalupihan, Bataan.